Bitoy pinatay uli sa Facebook

ROMMEL PLACENTE: Marami talagang mga tao ang walang magawa sa buhay kundi ang magpakalat ng fake news. Isa na rito ay ang ipinagkakalat nila na patay na ang isang artista o personalidad na wala namang katotohanan.
Naging biktima ng fake news na diumano’y namatay na last year ay si Shaina Magdayao. Dead on arrival daw ang dalaga nu’ng isugod sa St.Lukes Hospital sanhi ng malalang karamdaman na hypothyroidism. Na nang makarating ‘yun sa nakababatang kapatid ni Vina Morales ay pinabulaanan niya ito sa kanyang social media account.
Si Senator Bong Revilla, pinatay rin sa social media. After niyang magka-COVID 19 last year ay namatay na umano ito.
Ang ginawa ng magiting na senador, nag-Facebook Live siya para makita ng mga tao na buhay na buhay siya.
Ipinagdarasal na lang daw niya ang mga nagpakalat ng balitang sumakabilang-buhay na siya.
Si Michael V ay napabalitang diumano’y namatay last year,nang dahil din sa COVID -19 .Muli na namang pinatay for the second time around sa social media. Nasa breaking news pa ito na may logo pa ng GMA 7. Ang nakalagay, “Batikang aktor na si Michael V BITOY Pumanaw sa edad 51 matapos hindi kayanin ang sakit sa atay,”
Nang makarating ito sa asawa ni Bitoy na si Carol Bunagan, talagang hindi niya ito pinalampas at kinondena ang mga taong nasa likod ng nakaaalarmang fake news.
Caption niya sa kanyang social media account ,”Ano kaya napapala ng mga gumagawa ng ganitong fake news? Kaawaan sana kayo ng Diyos.”
Nag-issue naman agad ng official statement ang Kapuso network para itanggi ang maling balita sa komedyante.
RODEL FERNANDO:Madalas talagang mabiktima ng fake news na namatay na ay si Robin Padilla. Kung hindi ako nagkakamali ay apat o limang beses na siyang napabalitang patay sa social media. Bagay na inalmahan ng aktor noong una pero yung mga huling balita sa kanya na dedbol na siya ay hindi na niya pinapansin.

Maging ang matalik na kaibigan ni Bitoy na si Ogie Alcasid ay nabiktima rin ng maling balita. Noong nakaraang taon ay kumalat sa social media na binawian na siya ng buhay. Nangyari raw ito sa harap ng bahay niya at natagpuang patay sa kanyang sasakyan. Ang masaklap pa rito ay ibinalita ito sa isang news program na hindi man lang inalam ang katotohanan.
Siyempre pa, nasaktan ang magaling na singer nang malaman niya ito dahil mismong sa kaibigan niya pa ito nabasa na nagrepost ng fake news na patay na siya.
“Pls do not believe this. It is #fakenews i did not want to show the name of the person who posted it but i just want to inform everyone that i am ok. Magmahalan naman po tayo.”
Umalma rin si Regine nang makarating ito sa kanya.
MILDRED BACUD: Isa pa sa naging biktima ng social media ay si Arci Munoz na namatay daw sa aksidente no’ng March 2016. Natawa na lamang siya at sinabing “Sikat na ako. Ibig sabihin pinatay ako so sikat na ako.” Gusto nga raw sagutin sa social media no’n ng aktres ang nagpakalat nito pero hindi na niya pinatulan pa.Hindi na siya nag-aksya ng panahon na alamin kung sino ang nasa likod nito pero sinabi niyang sana ma-realize ng mga taong ito na nagpapakalat ng fake news na hindi ito maganda.
kung may unang sikat na artistang pinatay sa balita ay ang yumaong Mang Dolphy. Hindi lang isang beses mga ka- Cuatros di ba kundi maraming beses na pinatay ang Comedy King. Pero humaba pa ang buhay niya pagkatapos ng mga balita at tuluyan ng pumanaw no’ng July 10 2012 sa edad na 83.
Pero sana tumigil na ang mga taong nagpapakalat ng ganitong tsismis.Isipin sana nila ang mga pamilya ng artistang pinapatay nila sa social media.
ROLDAN CASTRO: Talamak na talaga ng fake news. Wala silang patawad na basta na lang magbabalita ng artistang natsugi.
Dapat talagang alamin muna sa pamilya pag may ganyang lumabas na balita para ‘di makuryente.
Ewan kung anong kaligayahan ang dulot sa mga nagpapakalat ng ganyang balita .
Tantanan na yan.
Asar ha!