Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bitoy posible sa pneumonia

0 558

NI: VINIA VIVAR

Matapos umaming positibo sa COVID-19, ayon kay Michael V. ay getting better na raw siya ngayon. Naka-isolate siya sa isang kwarto sa kasalukuyan at nagpapagaling.

“Hot lemon and ginger, ‘yun ‘yung ini-inhale ko,” aniya sa panayam ng 24 Oras. “Basta kahit anon’g advice nga ng mga kakilala namin, tina-try na namin, eh. Wala namang mawawala, eh.”

Nabawasan na raw ang lagnat niya at nakakapaglakad-lakad na para makapag-exercise.

“Mahirap din daw kung parati kang nakahiga at palagi kang nakaupo man lang or something. Basta be active, pero hindi sobra, hindi ‘yung to the point na papagurin mo ‘yung sarili mo.”

Hindi naman daw siya nahihirapang huminga, pero mabilis daw siyang mapagod. Gayunman, aniya, “I am getting better. Hindi pa rin 100% pero we’re getting there.”

Tinawanan na lang ni Bitoy ang balitang sumakabilang-buhay na siya. Ang nakakainis pa ay nagte-text pa raw sa kanya ang iba at tinatanong siya kung totoong patay na siya.

“Hindi ko malaman kung sasagutin ko ng ghost emoji o ano,” natatawa niyang sabi.

Bagama’t nakahiwalay sa kanyang pamilya, tila nasa katabing-bahay lang naman siya at sa bintana na lang daw niya kinakawayan at tinitingnan ang kanyang pamilya.

Sa room ay makikita ang kanyang mga damit at sapatos na tila ba nasa dressing room siya.

“Lahat naman ng kailangan ko, lahat ng gusto ko, nandidito, parang naging meaningless lahat. Parang the only thing I needed was my family,” aniya.

Samantala, sa latest Instagram update ni Bitoy kahapon, ibinalita niyang nagpa-X-ray siya para malaman kung may pneumonia siya.

“Sa mga concerned, nagpa-X-ray ako kahapon para masiguro kung meron akong pneumonia. Medyo mabilis kasi akong mapagod. May nakita silang pwedeng “pagmulan” ng pneumonia pero hindi naman daw kailangang magpa-ospital. Niresetahan nila ako ng antibiotics at sinabihang sa bahay na lang ituloy ang pagpapagaling. Naka-self quarantine pa rin po ako para sa safety ng lahat ng nasa paligid ko,” post ni Bitoy.

Sa huli ay nagpasalamat ang singer/comedian sa lahat ng nagdadasal sa kanya at pinaalalahanan din ang madla na mag-ingat.

“Gusto kong magpasalamat sa lahat ng patuloy na nagdarasal para sa kaligtasan namin ng pamilya ko. At gusto ko ring paalalahanan ang lahat na mag-ingat para wala kayong pagsisihan sa huli. Maging responsable at gawin ang lahat ng makakaya para hindi kayo mahawa o makahawa.

“Laging maging malinis sa paligid at pangangatawan. At lagi ring magsuot ng mask at PPE. Stay home everyone and stay safe,” pagtatapos ni Michael V.

Leave A Reply

Your email address will not be published.