Abante Tonite Interactive

Biyahe ng ALPS hinarang ng mga welgista

451

Upang hindi makalabas at maka­biyahe ang mga provincial bus, binarikadahan o hinarangan ng may 30 empleyado ang terminal ng ALPS The Bus Inc. sa Cubao, Quezon City.

Nabatid na tatlong araw nang nagsasagawa ng kilos-protesta ang mga driver, konduktor, dispatcher at ilang mga empleyado ng nasabing bus company dahil umano sa hindi patas na pagtrato sa kanilang mga manggagawa.

Nagpasaklolo na rin sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga nagpoprotesta para aksyonan ang kanilang mga hinaing katulad ng mababang suweldo, walang 13th month, overtime pay, at illegal deduction.

Ayon sa pahayag ng isa sa mga empleyado ng ALPS na nakilalang si ­Leonel Viñas, dahil sa kanilang ginawang hakbang laban sa kompanya ay tinanggalan sila ng biyahe sa halip na tugunan ang kanilang mga hinaing.

“Walang 13th month, walang night differential, illegal deduction, hinahabol namin ‘yung ­under payment. ‘Pag kulang ang dri­ver saka lang kami uutusang bumiyahe. ‘Yung mga via Batangas naman tinanggalan ng piyesa ‘yung mga bus nila para hindi sila makabiyahe,” ayon sa mga driver na kabilang sa mga nagwewelga.

Samantala, sa isang panayam ­naman ng ABS-CBN sa isang kinatawan ng ALPS sa head office nito sa Batangas (tumangging magpabanggit ng pangalan), sinabi nito na ang mga nagpiket na driver ang nag-flat ng gulong ng mga bus at pinababa pa ang ilang pasahero upang magkaroon ng tigil-pasada.

Giit pa nito, wala aniyang permit ang rally ng ilan nilang empleyado at ang kanilang mga reklamo ay walang basehan dahil mayroon silang hawak na mga bank statement na nagpapatunay sa mga benepisyong ipinagkakaloob nila sa mga manggagawa. (Dolly B. Cabreza)