Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Biyahe ng mga ‘augmentation bus’ ng MRT 3 pinahaba

0 262

Ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagpapalawig o pagpapahaba ng oras ng biyahe ng mga bus units mula North Avenue at Taft Avenue station sa ilalim ng Metro Rail Transit (MRT-3) Bus Augmentation Program simula ngayong July 10.

Ayon kay Tugade, mula sa dating alas-8 ng gabi ay gagawing hanggang 10:00 pm ang huling pagdi-dispatch ng mga bus units mula sa designated station sa North Avenue at Taft Avenue upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasaherong naapektuhan ng pansamantalang shutdown ng MRT-3.

Ginawa na ring alas-4:00 ng umaga ang pagde-deploy ng mga bus units mula sa dating 5:30 am upang mapaikli ang pila ng mga commuter sa mga designated stations, lalo na habang ‘rush hour.’

Maliban dito, ipinag-utos din ng Kalihim sa MRT-3 na siguraduhing mahigpit na maipatutupad ang 3-minute regular dispatch system ng mga bus sa ilalim ng programa.

Ang temporary shutdown ng MRT-3 ay ipinatutupad upang bigyang-daan ang malawakang RT-PCR swab testing ng lahat ng mga empleyado nito, kasama na ang mga maintenance provider at subcontractors, upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga personnel at commuter. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.