Abante Tonite Interactive

Biyaheng pa-Maynila lumanding sa Cebu PAL-Lucio Tan strike 2 sa aberya

635

Mahigit dalawang linggo lamang ang nakalilipas matapos masunog ang isang makina ng kanilang eroplano habang nasa ere sa Los Angeles,California, USA muli na namang nagkaaberya ang isang pang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na pag-aari ni Lucio Tan na patungong Maynila mula Tagbilaran City kahapon.

Napilitang lumanding sa Mactan Cebu International Airport ang PAL Airbus A321 matapos na magkaroon ng ‘technical problem’ kahapon ng alas-11:00 nang umaga.

“No emergency landing was declared, investigation is underway to determine why the flight was diverted,” paliwa­nag pa ni PAL spokesperson Cielo Villaluna.

Nasa 150 pasahero ang sakay at ligtas na naibaba sa eroplano para sa rebooking sa susunod na PAL flight.

Ilan sa mga pasahero ang nagpahayag ng matinding takot sa social media.
“Quite scary indeed a few minutes after the airplane took off, there was a technical difficulty,” ayon sa pasaherong si Aleksandre Pates, sa Instagram.

Magugunita na noon lamang Nobyembre 22 nang biglang magliyab habang nasa ere ang isang makina sa pakpak ng PAL plane matapos mag-take off sa Los Angeles Internatio­nal Airport sa California.

Sakay ang 347 pasahero at 18 crew members, nag-take off ang PAL Flight PR113 mula sa LAX patungo sana sa Pilipinas dakong alas-11:45 nang umaga (oras sa Los Angeles) noong Huwebes, ika-21 ng Nobyembre, nang magdeklara ng emergency ang piloto nito na si Captain Tristan Simeon.

Batay sa mga video na ibinahagi ng mga nakasaksi ng insidente, nag-aapoy ang isa sa mga engine ng PAL airplane at bumubuga ng maitim na usok.
Ligtas naman ang lahat ng mga pasahero at crew member matapos matiwasay na nakalapag ang eroplano pabalik sa LAX.