Abante Tonite Interactive

Biyaheng World Cup madugo

Bawal Kumurap!

By
146

Parehong away ang dalawang huling game ng Team Pilipinas sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qua­lifiers.

Unang darayuhin ng Nationals ang Qatar sa Doha sa Feb. 21, kinabukasan ay bibiyahe patu­ngong Astana para harapin ang Kazakhstan sa Feb. 24.

Must-win ang Filipinos sa dalawang road games para makahabol sa World Cup sa China sa August.
Nasa fourth place ng Group F ang Pilipinas (5-5) sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4). Nasa fifth ang Kazakhstan (4-6), out na ang Qatar (2-8).

Top 3 teams lang ng bawat grupo ang papasok, pero may bonus ang best-placed fourth ng Groups E at F. Nasa Group E ang China, pero anuman ang puwesto nila ay pasok na sa World Cup bilang host.

Mula Group E ay pasok na ang New Zealand at Korea, nasa third ang China, kasunod ang kabuhol nila sa 6-4 na Lebanon. Sa likod ang Jordan (5-5), out na ang Syria.

Kapag naipanalo ng Nationals ang last 2 games at natalo ng isa sa huling dalawa ang Japan, pasok ang Pilipinas. Mag-aakbayan sa 7-5 ang Pilipinas at Japan, pero mas mataas ang quotient ng Filipinos dahil dalawang beses tinalo ang Japanese sa first round ng qualifiers.

Iran ang unang toka ng Japan sa Feb. 21 bago ang Qatar sa Feb. 24.

Kapag 2-0 ang Japan sa final windows, bababa sa fourth ang Pilipinas kahit maipanalo ang huling dalawa.

Sa ganitong senaryo, aasa sa iba ang Pilipinas.

Huwag lang mata­talo ang China sa huling asignatura kontra Jordan at Syria, may pag-asang maging best fourth-placed team ang Pilipinas. Kapag nag-fourth sa Group E ang China, mababakante ang slot ng best fourth-placed dahil host nga sila.

Puwedeng maungusan ng Lebanon o Jordan ang China sa standings ng Group E, pero matibay ang makakatapat sa mga hu­ling laro. Toka ng Lebanon ang New Zealand at Korea, nakalinya sa Jordan ang New Zealand at China.

Sa kabilang banda, puwede pang maungusan ng Kazakhstan ang Pilipinas sa Group F kapag na­silat ng Kazakhs ang Australia bago tatalunin ang Filipinos.

Nasa Doha na ang Nationals ni coach Yeng Guiao, ginagamay ang lugar bago ang bakbakan. Naroon na rin si natura­lized Andray Blatche na galing China.

Inaasahang sa araw na ng laro ihahayag ni Guiao ang kanyang final 12.