Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Biyahero ng isda buking sa shabu

0 31

Isang biyahero ng isda sa Navotas City ang nasakote nang aksidenteng mahulog mula sa kanyang coin purse ang isang pakete ng shabu habang iniinspeksiyon sa police checkpoint sa Brgy. San Roque, Pandi, Bulacan kahapon nang madaling-araw.

Base sa ulat ng pulisya, nakilala ang suspek na si Sonny Esmabe, negosyante ng isda at nakatira sa Pandi, Bulacan.

Sa imbistigasyon ng pulisya, pasado ala-una nang madaling araw nang pahintuin ng mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint ang suspek habang lulan ng kanyang tricycle matapos humango ng isda sa Navotas para ibenta sa nasabing bayan.

Umamin umano ang suspek na gumagamit ng shabu upang hindi antukin sa biyahe. Inamin pa umano nito na dalawang pakete ng shabu ang kanyang binili at nagamit na ang isa bago pa bumiyahe ng isda.

Nakakulong ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong kriminal. Nakatakda rin itong ipa-drug test sa Bulacan Provincial Crime Laboratory sa Malolos.(Jun Borlongan)

Leave A Reply

Your email address will not be published.