Abante Tonite Interactive

Biyakin ang P100K nina lolo at lola

0 246

Sa dami ng eskandalo sa SEA Games, may magandang balita ang Commission on Population (PopCom) na humahaba na raw ang buhay ng mga Pinoy dahil na rin sa modernong paraan ng gamutan. Iyon nga lang, mala­king tanong pa rin kung aabot ka sa edad na 100 para makahawak ka ng P100,000.

Para sa mga hindi pa nakakaalam, may ipinasang batas na Centena­rians Act of 2016 kung saan makatatanggap ng P100,000 ang mga Pinoy na aabot ng 100-taong gulang. Hindi natin alam kung ilan lang ang mga nakakaabot sa naturang edad at kung ano kaya ang tsibog nila at tumagal sila ng ganung edad.

Bukod doon, ilan kaya sa kanila ang kaya pang mag-shopping kahit man lang online para ma-enjoy nila ang malaking halaga? Kung mahina na at nakahiga na lang sina lolo at lola, baka pambili na lang ng mga gamot ang pe­rang matatanggap nila. Hindi na rin masama para madugtungan pa kahit papaano ang kanilang buhay.

Iyon eh kung mabait at may malasakit ang nag-aalaga sa kanila. Pero kung minamalas na mukhang kuwarta ang nag-aalaga kina lolo at lola, baka ibulsa lang ng mokong ang kanilang pera, o kaya eh ipang-inom, ipang-droga o lustayin.

Kaya naman may panukalang batas na inihain sa Senado na nais na biyakin ng tatlong bigayan ang P100,000. Sa halip na isang bagsakan, gagawing tatlo ang bigayan na magsisimula sa edad na 80. Kung umabot ka ng 80-anyos, may P25,000 ka. Kapag umabot ka pa rin ng 90-anyos, ano­ther P25,000. At kung talagang matibay ka’t umabot ka ng 100-an­yos, makukuha mo ang balanseng P50,000.

Pero mas matindi ang bersyon ng panukalang batas na isinusulong mga tsong sa Kamara. Kapag umabot ka ng 85-anyos, may P25,000 ka. At kung pagkaraan ng limang taon eh buhay ka pa rin sa edad na 90, aba’y another P25,000. Kung talagang matibay ka’t naka-95 birthday ka, P50,000 pa. But wait there’s more, kung umabot ka pa ng 100-taong gulang, hiwalay mo pang makukuha ang buong P100,000.

Bukod sa aabot sa P200,000 ang kabuuang ibibigay sa mga matatanda na mula 85-anyos hanggang umabot ng 100-taong gulang, nais pang isama sa bersiyon ng Kamara na makinabang din ang mga Pinoy na nasa labas ng bansa. Taliwas daw kasi sa akala ng marami na sarap-buhay ang mga tumanda sa abroad, aba’y marami sa kanila ang hikahos at umaasa sa suporta ng mga anak.

Bagaman maganda mga tsong ang layunin ng mga panukala, ang malaking tanong ay kung saan kukunin ang pondo para mai­patupad ito. Kahit kasi ang isang samahan ng mga senior citizen eh napapaisip kung may pagkukunan ba ng pondo dahil tiyak na malaking halaga ang kakailanganin.

Mahirap nga namang umasa na maipasa ang batas at pagkatapos ay nakanganga lang na maghihintay sa wala ang mga matatanda.

Hindi kasi tulad ng mga nabubuhay na 100-taong gulang na iilan lang, aba’y mada­mi-dami tiyak kung ang magsisimula sa 80 o 85-anyos. Sa isang datos na nakita natin tungkol sa populasyon ng mga Pinoy, lumilitaw na aabot sa mahi­git 140,000 katao ang nasa edad 80; mahigit 32,000 naman ang nasa edad 90; habang ang mga 100 taon ang edad ay nasa 1,000.

Kung magiging batas ang bersyon ng panukala sa Senado, tinataya ng Department of Budget and Management na kakailanganin ng P19.8 bilyon para maipatupad ito. Tiyak na mas malaki naman ang kakailanganin kung ang bersyon ng Kamara ang magiging batas. Kapag nagkataon, ano kaya ang bagong bubuwisan o kaya eh tataasan na naman ng buwis ng gobyerno para mapagkunan ng pondo para dito? Abangan!

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.