Abante Tonite Interactive

Biyayang dapat hilingin sa Diyos ang pananampalataya!

0 213

Mensahe ng Ebanghelyo ngayong Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (Lc 17: 5-10) na walang anuman ta­yong maipagmamalaki sa Panginoon. Maging ang ating pananampalataya sa Diyos ay isang biya­yang kaloob niya sa atin. Turo ng Simbahan, ang Diyos ang nagpapalago ng ‘butil ng mustasa’ ng ating pananampalataya. Inaanyayahan ang tanan ngayong araw na tugunin ang panawagan ng Diyos tungo sa lubos na pagtitiwala.

Giit ng Iglesya, ‘gras­ya’ na dapat hingin sa Diyos araw-araw ang paglago ng ating pananampalataya at pag-ibig. Maihahalintulad daw sa binhi na itinanim ng Panginoon ang ‘faith’ sa ating puso. Upang mabuhay, lumago at manatili ang pananampalatayang ipununla sa atin, kailangang palusugin ito ng Salita ng Diyos at mahalagang bukas ang ating puso upang tanggapin ang handog na pananampalataya.

Paliwanag ng Simbahan, “Faith is a most precious asset. It is even more precious than our intelligence and our senses put together, for it gives meaning and direction to all that we are and do.” Ang pagkakaroon ng pananampalaya turo ng Iglesya ay hindi lamang basta paniniwala na may Diyos kundi pagpapaubaya ng lahat ng bagay sa Panginoon. Sa simula’t simula pa naniniwala ang Iglesya na ‘tiwala’ ang kahulugan ng pagkakaroon ng pananampalataya.

Saad ng Iglesya, “to have faith in God also means ‘to let God be God,’ both in the history of mankind and in our lives.” Ibig sabihin daw ng pagkakaroon ng tiwala sa Diyos ay hindi lamang basta iasa sa Langit ang lahat ng bagay kundi pagsusumikapan gamit ang sariling kakayahan na maging ‘katuwang’ ng Panginoon sa katuparan ng Kanyang banal na kalooban sa ating buhay.

Dagdag ng Simbahan, “Faith is rooted in humility and blossoms in generous commitment.” Ang tunay na pananampalataya ay paniniwala na lahat ng kung ano at meron tayo ay handog ng Diyos. Utang na loob natin sa Diyos ang lahat, maging ang mismo nating buhay. Turo ng Igles­ya, “Once we understand this, our faith becomes a joyful avai­lability to work for the Lord. And we work for him not in order to receive a reward but simply glad to enjoy the privilege to be part of his plan and contri­bute to its fulfilment.”

Sadyang napakabisa, ayon sa Simbahan ng mapagpakumbaba at masunuring pananampalataya kaya’t sa Ebanghelyo saad ni HesuKristo sa kanyang mga alagad: “Kung maging sinlaki ng mustasa ang inyong pana­nampalataya sa Diyos,

masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat’ at ta­talima ito sa inyo.” Sa madaling salita, faith can really move mountains!

Angkop para sa atin, samakatuwid ang hiling ng mga alagad sa Pa­nginoon: “Dagdagan po ninyo ang amin pananalig sa Diyos!” Sa huli, mariing giit ng Simbahan, “faith does not grow in a va­cuum.” Talagang kailangang hilingin natin sa Pa­nginoon na palaguin ang ating marupok at nagsusumikap na pananampalataya, araw-araw, lalo na sa mga panahong pinanghihinaan tayo ng loob sanhi ng mga pagsubok.

Bukas-palad nawa nating tugunin ang panawagan ni Hesus tungo sa pagpapakabanal. Hilingin natin sa kanya na palalimin pa ang ating kumpiyansa sa pag-ibig, malasakit at awa ng Poong Maykapal.

Nawa manatili ang ating tiwala na walang anumang imposible sa Diyos upang manatiling matibay na nakakapit tayo sa Kanya.