Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BL serye umariba sa 2020

0 175

NI: Archie Liao

Dekada 70 nang mauso ang bomba movies sa Pinoy cinema.

Malaki ang naging papel ng mga pelikulang ito para ma-divert ang atensyon ng mga tao sa isyung politikal noong panahong iyon.

Early 80s naman, umeksena ang bold movies at late 80s, nagsulputan ang ‘pene’ movies pagkatapos na paslangin si Ninoy Aquino noong 1986 na nauwi sa EDSA revolution.

Noong 2013, pumatok ang first gay themed TV series na My Husband’s Lover ng GMA-7 na naglunsad sa tambalang Tomden nina Tom Rodriguez at Dennis Trillo.

Tila isang bangungot naman ang taong ito dahil sa paglaganap ng pandemyang dulot ng Covid-19.

Para makontrol ito, isinailalim sa lockdown ang buong bansa.

Dahil sarado ang mga sinehan at walang choice ang mga tao kundi mamalagi sa bahay, naging aliwan ng mga Pinoy ang manood ng Netflix.

Gayunpaman, hindi sapat ang content na ino-offer ng streaming sites para malunasan ang pagkabalisa ng mga Pinoy sa panahon ng health crisis.

Sa pagpapalipas ng buryong, naghanap sila ng alternative viewing fares online.

Naging popular sa bansa ang Boys Love series na 2Together na nagmula sa Thailand.

Nagkaroon ng Pinoy BL series na Gameboys na pinagtambalan nina Kokoy de Santos at Elijah Canlas.

Dumami ang mga BL series at movies na napapanood sa Youtube at iba pang streaming sites.

Pati ang ABS-CBN sa pamamagitan ng Black Sheep, Star Cinema at Dreamscape Entertainment ay gumawa rin ng BL series na Hello Stranger (Tony Labrusca at JC Alcantara), My Lockdown Romance (Jameson Blake at Joao Constancia) at Oh Mando (Kokoy de Santos at Alex Diaz).

Sumubok din ang Regal Entertainment sa pagproprodyus ng ganitong genre sa pamamagitan ng BenXJim nina Jerome Ponce at Teejay Marquez.

Hindi rin nagpahuli ang independent film companies tulad ng Globe Studios na nagprodyus ng Gaya Sa Pelikula na pinagbidahan ng mga baguhang sina Ian at Paolo Pangilinan.

Ang Fuccbois actor na si Royce Cabrera ay gumawa rin ng BL series na Quaranthings with Kyo Quijano.

Umarangkada rin ang Bidaman na si Miko Gallardo sa My Day kasama si Aki Torres.

Pati ang Viva resident director na si Daryl Yap ay gumawa ng Sakristan tampok ang mga baguhang sina Clifford Pusing at Henry Villanueva.

Napanood din sa TV5 at sa GagaOOlala ang My Extraordinary nina Darwin Yu at Enzo Santiago at USPHTV ang In Between nina Migs Villasis at Genesis Redido. May bagong BL serye ngayon si Migs na ‘Stigma’.

Ang dating XLR8 band member na si Arkin del Rosario ay bida rin sa BL series na My Sexual at Boyband Love.

Maging ang Philippine Stagers Foundation ng actor-director na si Vince Tanada ay pumasok din sa pagproprodyus ng seryeng Why O Why?

Ang Viva artist at comedian na si Chad Kinis ay ini-launch bilang bida sa Beki Problems with Gold Azeron.

Nagkaroon din ng drama anthology na Unlocked si Adolf Alix ,Jr. na tumatalakay sa iba’t ibang aspeto ng gay at lesbian relationships na nagtampok kina Markki Stroem, Mike Liwag, Miguel Almendras, Oliver Aquino, Angeli Bayani, Angelina Kanapi, Gold Azeron, Ross Pesigan, Luis Alandy, Vince Rillon, Kirst Viray, Miggs Cuaderno, Savior Ramos, JC Tan at Miggy Campbell.

Marami pang BL serye na nagsulputan na walang wawa at ubod ng pangit.

Anyway balitang may season 2 ang BenXJim at papasok na sa serye si Miko Gallardo. Balita ring magp-prodyus na rin si Miko ng BL serye katuwang si Mannix Carancho ng Prestige International na nakatakdang ipalabas sa May.

Sa taon ding ito, naka-penetrate na sa MMFF ang kauna-unahang BL movie na ” A Boy Foretold by the Stars” na tinatampukan nina Adrian Lindayag at Keann Johnson. Tanggap ito ng mga manonood sa social media flatforms dahil balitang nasa top 5 sa mabentang tiket sa Upstream.

Samantala, naging kontrobersyal ang pahayag ni Direk Erik Matti noong Nobyembre tungkol sa paglaganap ng BL series at movies.

Pakiramdam niya, hindi nakakatulong na iangat ng BL series na may pare-parehong tema ang kalidad ng pelikulang Pinoy na umani ng samu’t saring reaksyon.

Kung may sawa factor nga ba ito o kung magpapatuloy ba ang trend na ito sa susunod na taon ay dapat abangan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.