Abante Tonite Interactive

Blankong deed of sale, acknowledgement receipt delikado

304

Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,
May ibebenta pong lote ang parents namin. Sa kasalukuyan ay naghuhulog na ang buyer ng monthly sa pamamagitan ng isang contract to sell.

Nagkataong lumipat na po sila permanently sa Roxas (Isabela) samantalang ang lote ay nasa Los Baños (Laguna) pero bago sila umalis ay nag-prepare na kami ng Deed of Sale at Acknowledgement Receipt na walang date. Ang plano po ay ipapanotaryo ito kapag fully paid na ang buyer.

Nagkataon po na ang mother namin ay namatay habang nasa Isabela. Father ko na lang po ang buhay. Makakaapekto po ba ito sa naka-prepare na Deed at Receipt? One year pa bago ma-fully paid ang lote.

Maraming salamat po sa inyong kasagutan.
Regards,
Eduardo L.

Dear Mr. Eduardo L,
Ang ginawa po ng parents na gumawa ng blankong Deed of Sale at may Acknow­ledgment Receipt pa ay lubhang delikado dahil kung hindi in GOOD FAITH ang kausap ninyong buyer ay maaaring magamit ito laban sa inyo at sasabihin niya na fully paid na siya.

Mas magandang bawiin na nila at `wag ng bigyan ng bisa ang naunang ginawang Deed of Sale at Receipt dahil maliban sa delikado ito ay hindi na rin siya tugma sa katotohanan dahil sa patay na ang isang seller at hindi na rin po kayang ipanotaryo and nasabing Deed of Sale dahil hindi na makakaharap pa ang isang patay sa Notary Public.

Ang dapat lang ay isang Contract to Sell ang gagawin upang may proteksyon din ang mga magulang mo kung sakaling di mababayaran ng buo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.