Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bloomberg 2021 finalist: Salamat mga Batang Maynila

0 89

Binabati at pinasasalamatan ko ang mga kasama kong opisyal at kawani sa Manila City Hall sa pagkakapili sa ating mahal na lungsod bilang isa sa 50 finalists sa Bloomberg Philanthropies 2021 Global Mayors Challenge.

May 631 lungsod mula sa 99 na bansa ang lumahok sa nasabing challenge at sa buong Pilipinas, mapalad ang Maynila na mapili, kasama ang Butuan City. Binabati ko din ang kanilang mga opisyal at mamamayan at nagagalak akong ibahagi sa kanila ang karangalan.

Nais ko ding ibahagi ang pagkilala ng Bloomberg sa mga Batang Maynila sa loob at labag ng pamahalaang-lungsod. Anuman ang narating ng lungsod, ito ay hindi ko magagawa nang mag-isa lamang.

Ang 2021 Global Mayors Challenge ay isang ‘an innovation competition that will identify and accelerate the most ambitious ideas developed by cities in response to the COVID-19 pandemic.’

Bukod sa multi-year support upang maipatupad ang mga kakaibang ideya, ang 15 grand prize winners ay magkakamit din ng $1 million.

Nakatuon ang 2021 Global Mayors Challenge sa pinakamahalagang ‘public innovations’ na nalikha bilang tugon sa COVID-19 pandemic.Ang inyong lingkod ay isa sa mga alkalde mula sa 631 lungsod sa 99 bansa na nag-apply at nagsumite ng aming ‘most promising ideas’ para sa kanilang konsiderasyon. Ang apat na criteria upang umangat ang finalists sa top 50 ay vision, potential for impact, feasibility at transferability.

Pinasasalamatan ko si Michael R. Bloomberg, founder ng Bloomberg LP and Bloomberg Philanthropies at 108th mayor ng New York City, na nagsabing: “These 50 finalists are showing the world that in the face of the pandemic’s enormous challenges, cities are rising to meet them with bold, innovative, and ambitious ideas..by helping these cities test their ideas over the coming months, we will have a chance to identify cutting-edge policies and programs that can allow cities to rebuild in ways that make them stronger and healthier, and more equal and more just.”

Ang Maynila ay nasa Asia-Pacific category kung saan nagmula ang 16 percent ng finalists. Ang Maynila at Butuan ay ang tanging dalawang siyudad mula sa Pilipinas na nakapasok at kasama namin sa kategorya ang Auckland at Wellington sa New Zealand, Daegu, South Korea, Pune at Rourkela sa India at Taipei.

Buong pagmamalaki kong ihahayag na ang Maynila ay kinilala sa pagtatag ng ‘21st-century data infrastructure’ upang mapagbuti ang mga serbisyo ng lungsod samantalang ang Butuan ay dahil naman sa ‘leveraging predictive data’ upang tulungan ang mga lokal na magsasaka.

SM food to go Banner Ad

Napag-uusapan na rin lamang ang mga ‘innovations’ kaugnay ng pandemya, masaya kong ibinabalita na inumpisahan na naming ang pagkuha ng mga personnel para sa pormal na pagbubukas ng Manila COVID-19 Field Hospital sa Hunyo 24.

Ang nasabing ospital ay matatagpuan sa Luneta malapit sa drive-thru free swab center at itinayo sa rekord 52 na araw o walong araw bago ang 60-day deadline na aking itinakda kina City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at City Architect Pepito Balmoris.

Sa kanila at daan-daang trabahador na nagtrabaho 24 oras upang matapos agad ang nasabing ospital, ang aking lubos na pasasalamat.

Nilagdaan ko ang appointment papers ng paunang 127 personnel para sa kakailanganing staff ng aming bagong COVID hospital. Ito ay kinabibilangan ng 20 doktor, 53 nurse, walong medical technologists, walong radiologic technicians, 10 admin personnel, walong IT personnel at 20 job order personnel.

Sa Hunyo 24 ay nakatakda ring dumating ang 400,000 Sinovac doses na aming inorder mula sa China at direktang binili sa halagang P298.5 million mula sa manufacturer na Sinovac Life Sciences Co., Ltd Ukol dito, salamat kina Vice Mayor Honey Lacuna at mga miyembro ng Manila City Council na tumulong upang mahanapan ng pondo ang bayad sa mga nasabing Sinovac doses.

Salamat din kina Pangulong Rodrigo Duterte, Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., Department of Health Sec. Francisco Duque III at Testing Czar Sec. Vince Dizon sa tulong nila na kami ay makakuha ng contract of acquisition.

Masaya at para sa mga Batang Maynila na makikinabang sa mga bakunang ito na bukod pa sa mga bakunang ibibigay pa ng national government at sa 800,000 Astra Zeneca doses na aming binili noon pa at nakatakdang dumating sa Setyembre.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.