Abante Tonite Interactive

Board Member Alonte nanakal, BF nambumbog

394

Nireklamo ang Laguna Board Member 1st District Abigael D. Alonte at ang boyfriend nitong Jordanian na si Hassan Rosan dahil sa pananakit sa mag-asawa sa tapat ng bahay ng politiko.

Sa ‘Raffy Tulfo in Action’, dumulog si Shammarie Del Rosario at ang mister nitong si Ronald para panagutin si Alonte at si Hassan dahil sa pananakal at pambubugbog ng dalawa sa kanila.

Nag-ugat ang banga­yan ng dalawang kampo nang magkaharangan ang Innova ni Alonte at ang Mercedez Benz ng mag-asawang Del Rosario.

Ayon sa kuwento ng mag-asawa, nang harapin umano sila ng Laguna board member ay niyabang nito na parte siya ng Alonte clan na prominente sa Laguna.

Dito napansin ni Shammarie ang red plate na gamit sa Innova na may plakang SKM 762, at ayon sa batas ay for official use lang ang nasabing plaka at hindi maaaring gamitin lampas sa alas-5:00 nang hapon.

Nang magsimulang mag-video si Shammarie ay dito na umano nagsi­mulang manakit si Hassan at binugbog ang kanyang mister, habang siya ay sinakal umano ng board member, at may ilan pang kasama na lu­mabas sa bahay ni Alonte.

Sa video na “paghingi ng sorry ni Alonte sa mag-asawang Del Rosario sa radyo, tinabla. tuloy ang kaso!” ay pag-aayusin sana ni Tulfo si Alonte at ang mag-asawa ngunit hindi sumipot sa kanilang studio ang board member.

Dito nilantad ng mag-asawang Del Rosario na nagpadala ang police station ng liham para pa­puntahin sa kanilang tanggapan ngunit hindi sinabi kung para saan ito.

Nang magtungo sa police station ay saka lang pinaalam na para pala ito sa areglo kay Alonte na naroon na rin sa himpilan ng pulis ngunit determinado ang mag-asawa na ituloy ang kaso.

Dahil dito’y nakapagpasya na kasuhan si Alonte ng paglabag sa Administrative Order o ang pagbaba­wal sa paggamit ng mga government vehicle para sa personal na panga­ngailangan. (RayMark Patriarca)