Abante Tonite Interactive

Board member, pulis nalibing nang buhay

0 168

Nalibing nang buhay ang isang Board member at isang pulis matapos matabunan ng lupa ang bahay na pansamantalang sinisilungan ng mga ito sa kasagsagan ng mga pag-ulan sa Barangay Dibagat, Kabugao, Apayao, Biyernes ng umaga sanhi ng tropical depression Quiel.

Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) Cordillera Region, kinilala ang nasawing biktima na sina Butch Mangalao, Board member ng lalawigan ng Apayao at Police Corporal Rommel Gumidam, miyembro ng Apayao Provincial Police office at nakatalaga sa Calanasan Municipal Police Station.
Alas-9:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Brgy. Dibagat, Kabugao, Apayao.

Sa imbestigasyon, ang mga biktima ay na-istranded sanhi ng landslide kaya nakisilong pansamantala sa bahay ni Mr. Padu Pugyao.

Dahil umano sa matinding pagod ay pansamantalang naidlip ang dalawa ngunit natabunan ng lupa ang bahay ni Pugyao na nakaligtas sa insidente matapos itong makatakbo palabas.
Matapos ang ilang oras ay natagpuan ang bangkay ng dala­wa na nahukay ng search and retrieval team. (Edwin Balasa)