Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BOC binulok P43M bigas koleksyon ni Jagger sablay

0 67

IBINUNYAG ng Commission on Audit (COA) na mahigit sa P40 milyong halaga ng bigas mula sa Vietnam at Thailand ang pinabayaan lang ng Bureau of Customs (BOC) na mabulok matapos itong dedmahin ng mga bidder sa dalawang beses na subasta.

Sinabi ng COA na nakalikom pa sana ang gobyerno ng karagdagang buwis kung nai-subasta agad sa oras ng BOC ang 49 shipping container na naglalaman ng malagkit na bigas mula sa Vietnam at premium rice ng Thailand na may kabuuang halaga ng P43.33 milyon.

Sa ulat ng COA, dumating ang mga container sa Port of Manila (POM) noong Agosto at Setyembre sa bansa at idineklara itong inabandona pabor sa pamahalaan nang mabigo ang consignee nito na magsumite ng Declaration of Goods for the importations sa BOC.

Tuluyan na anilang inamag at nabulok ang mga bigas dahil hindi na ulit nagpa-subasta ang BOC na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo `Jagger’ Guerrero nang walang kumuha sa mga ito sa mga nauna nilang auction.

“The inability of the POM to conduct timely and prompt disposal proceedings in accordance with the provision of the CMTA resulted in the loss of P43.333 million in government revenue which could have been realized from the proceeds of sale of the abandoned goods,” ayon sa ulat ng COA.

Kinastigo rin ng COA ang BOC dahil kapos ito ng P20.7-bilyon sa kanilang target collection noong 2019.

Bunga anila ito ng palpak na monitoring ng BOC sa mga utang sa taripa ng mga importer, mabagal na pag-aksyon sa mga overstaying cargo at kabiguan na ipa-auction ang mga perishable o nabubulok na pagkain.

Umaabot umano sa P599.888 milyon sa taripa at mga interes ang hindi nasingil ng BOC sa mga importer hanggang noong Disyembre 31, 2019.

Dagdag ng COA, bigo rin ang BOC na malikom ang P6.688 bilyong halaga ng surety bonds mula sa mga importer at mga surety company kung kaya’t nganga sa koleksyon ang komisyon noong nakaraang taon.

Kailangang maghain ng surety bond ang mga importer bilang garantiya na hindi nila tatakbuhan ang kanilang obligasyon sa BOC.

“The failure of the BOC to collect or institute necessary action to demand payment of the due and demandable bonds contributed to the non-attainment of its collection targets for CY 2019 and deprived the government of needed funds to finance its operations,” paliwanag ng COA.

Sa kanilang annual audit report, sinabi ng COA na nakalikom lang ng P640.282 bilyon ang BOC simula Enero hanggang Disyembre noong nakaraang taon na mas mababa sa target nilang P661.044-billion para sa 2019 collection.

Sadsad ito ng 3.10 percent o P20.763-bilyon na tiyak na makakaapekto sa financing plan ng pamahalaan para sa pagpapartupad ng mga programa at aktibidad sa bansa.

Bagamat lumagpas ang collection target ng siyam na pantalan sa bansa, hindi pa rin umano ito nakahila sa bagsak na koleksyon ng walo pang pantalan. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.