Abante Tonite Interactive

BOC corruption walang preno, Guerrero pinagbibitiw

483

Matapos ang malawakang reassignment at reshuffle sa Bureau of Customs (BOC), iginiit ng isang transparency group kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero na magsumite na rin ng courtesy resignation.

Ayon kay Brent De Jesus, spokesperson ng non-profit group Transparency in Public Service (TIPS), kailangang magsumite na rin ng resignation si Guerrero sa ilalim ng prinsipyo ng ‘command responsibi­lity’ matapos mabunyag ang mga corruption sa ahensiya.

“From all reports and indications, Commissioner Guerrero is a true officer and a gentleman, especially du­ring his time at the AFP,” ani De Jesus. “Being a lifelong military man, he of all people should understand what command responsibility entails, and present himself as a true example of this doctrine.”

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Pangulong Duterte na 64 opisyal at empleyado ng BOC ang kanyang sisibakin at posibleng makasuhan dahil sa corruption. Binigyan din ng pagkakataon ng Pangulo ang mga opisyal na magsumite ng courtesy resignation upang makaiwas sa kahihiyan.

Ang hakbang ng Pangulo ay bunsod ng patuloy na pamamayagpag ng corruption sa ahensiya. Matatandaang ibinuking ni Senador Panfilo Lacson na patuloy ang tara system sa BOC. Isiniwalat din ni Lacson ang cover-up ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para maitago ang P1 bilyong halaga ng droga na lumusot sa Aduana.

Kasunod nito ay kinumpirma naman ni dating BOC Spokesperson at Manila International Container Port (MICP) District Collector Atty. Erastus Sandino Austria ang cover-up ng BOC at PDEA sa P1 bilyong shabu. Sa pangyayaring ito, sinibak ni Guerrero ang ilang opisyal ng ahensiya, kabilang na ang kanyang chief of staff na si Teodoro Jumamil.

“First, it is a matter of delicadeza, especially since it has been revealed that he (Guerrero) participated in a cover-up,” diin ni De Jesus. “More importantly, there is actually a basis for command responsibility, specifically Executive Order No. 226, series of 1995.”