Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BOC napalusutan ng P900M China rice

0 239

Aabot sa P900 milyon ang nawala sa koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) nitong Enero at Pebrero dahil sa “underdeclaration” diumano ng imported rice, ayon sa isang grupo ng mga magsasaka.

Sabi ng Federation of Free Farmers (FFF), hindi dapat pinagmamalaki ng BOC nang basta-basta ang paglaki ng koleksyon ng taripa sa rice import dahil ang pagdami nito ang malaking dahilan kaya nadagdagan ang nakokolekta ng ahensiya.

Ang nakababahala umano ay mas mababa pa ang naging deklarasyon ng halaga ng rice import na mas mababa pa kaysa sa reference rate ng BOC.

“During the first two months of 2021, declared import costs were 22% lower on the average than the BoC’s own reference rates. For the whole of 2020, the average discrepancy was only 20%,” sabi ni FFF national manager Raul Montemayor.

Noong 2019 at 2020, umabot umano sa P5 bilyon ang nawala sa koleksyon ng BOC dahil sa “underdeclaration”.

Sabi ni Montemayor, kulang-kulang pa rin ang reference price ng BOC at may mga klase ng bigas na wala pa ring klasipikasyon, bagay na inirereklamo na ng mga magsasaka noon pa.

Aniya, kung walang reference price, hindi matutukoy ng customs examiner kung undervalued ang shipment o hindi at makakalusot lamang ito dahil ituturo lamang ng mga importer at examiner sa klasipikasyon ng bigas na mas mababa ang taripa.

Ayon sa FFF, nakalusot ang maraming shipment ng bigas galing China na dinadaan sa Singapore na ang deklarasyon ay nasa P12.12 per kilo lamang, mas mura pa kaysa sa bigas ng Pakistan o Cambodia na P16 per kilo.

Nanawagan muli ang FFF sa BOC na isapubliko ang naging audit ng 2019 at 2020 import transaction pati na ang karagdagang taripa at multa ng mga importer na nag-undervalue ng kanilang mga shipment.(Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.