Abante Tonite Interactive

Bodega ng Fonchun ni-raid sa P6M smuggled yosi

173

Umaabot sa P6 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nakumpiska makaraang salakayin ng pinagsanib na mga operatiba ng pulisya at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang bodega ng Fonchun Industrial Compound sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Bulacan police provincial director Police Col. Emma Libunao, tinutugis pa ng mga awtoridad ang may-ari ng bodega na nakilalang si Johnny Lee at hindi pa kilalang kasama nito makaraang makatunog sa pagdating ng mga awtoridad.

Bandang ala-1:20 ng hapon kamakalawa nang salakayin ng mga operatiba ng Special Concern Unit-Regional Intelligence Division 3, Balagtas Municipal Police, Regional Mobile Force Battalion 3, BIR, at kinatawan ng Japan Tobacco International ang bodega ng Fonchun.

Nabatid na may mission order ang mga awtoridad na inisyu laban sa may-ari ng bodega.

Kabilang sa mga nakumpiska ay 245 master case ng mga ­untaxed cigarette,
Modern Far Star (filter), at Far Star (Mentholated) na umaabot sa halagang P6 milyon.

Nasa kustodiya ng BIR ang mga kinumpiskang kontrabando para sa dokyumentasyon. Patuloy din ang follow-up operation para masakote ang may-ari ng bodega. (Jun Borlongan)