Abante Tonite Interactive

Bodyguard ng alkalde tinodas ng katrabaho

0 274

Patay ang isang bodyguard ni Aroroy, Masbate Mayor Arturo Virtucio matapos barilin ng kasamahan nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan Huwebes ng madaling-araw sa nabatid na bayan.

Idineklarang dead-on-arrival sa Masbate Doctors Hospital ang biktimang si Renato Ragas, 42, civil security sa Office of the Mayor ng Aroroy at taga-Barangay Puro ng nabatid na bayan.

Naaresto naman ang suspek na si Julius Torres, 26, katrabaho ng biktima.
Sa ulat ng Aroroy Municipal Police Station (MPS) na ipinadala sa Police Regional Office (PRO) 5 kahapon, alas-3:55 ng madaling-araw nang makatanggap ng tawag ang Aroroy MPS mula sa concerned citizen hinggil sa barilan sa Brgy. Cabangcalan ng nabatid na bayan.

Agad namang rumesponde ang pulisya sa lugar sa pangunguna ni Police Maj. Louie Manuel Dela Peña, hepe ng Aroroy MPS at doon nila nalaman na ang suspek at biktima ay parehong bodyguard ni Aroroy Mayor Arturo Virtucio.

Lumalabas sa imbestigasyon na lulan ng Toyota Hilux ang suspek at biktima kasama ang dalawang iba pa nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Nabatid na pinahinto ng biktima ang kanilang sasakyan upang umihi. Lingid sa kaalaman nito, sumunod pala ang suspek bitbit ang M16 rifle at agad na binaril ang una habang nakatalikod. (Edwin Balasa)