Abante Tonite Interactive

Bodyguard ni Sarah pinagmulan ng gulo

1,742

Nabigo umanong gampanan ng bodyguard ang tungkulin nitong protektahan ang kanyang boss na si Sarah Geronimo.

Sabi ni Philippine Army Public Affairs Chief Lt. Col. Demy Zagala sa isang social media post, walang nangyaring sapakan sa kasal nina Sarah at Matteo Guidicelli.

Kuwento pa niya, imbes daw protektahan ng bodyguard si Sarah ay ito pa ang pinagmulan ng kahihiyan sa kanyang boss at gulo sa kasal nito.

“The close in security caused trouble yet insisting to remain in the service of Sarah. As a close in security, his job is to protect Sarah from embarrassment. But it turns out he is the cause of the embarrassment. Thus failure of his mission as protective detail,” ani Zagala.

May nag-comment sa post ni Zagala na sigurado umanong dahil dito ay sinibak ang naturang bodyguard, na sinang-ayunan ni Matteo.

“Perfectly said,” sabi ng aktor.

Magugunitang matapos ang kasal ay nagpa-blotter sa Taguig Police ang bodyguard ni Sarah na si Jerry Tamara tungkol sa pananapak umano sa kanya ng aktor nang isumbong niya sa ina ng singer na si Mommy Divine ang lihim na pagpapakasal ng dalawa.

Tinanggi ni Matteo na may sinapak siya sa kasal nila ni Sarah noong Pebrero 20 sa isang hotel sa Bonifacio Global City.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag si Sarah tungkol sa insidente. (Issa Santiago)