Abante Tonite Interactive

Bolts problemado, Almazan garahe

424

Ilang taon nang na­ngangamote sa ­Philippine Cup ang Meralco.

Noong nagdaang season, hindi sila umabot sa playoffs.

Pagdating ng Commissioner’s Cup, napagsarhan din sila sa ­quarterfinals.

Pinakamalakas naman ang Bolts sa Governors Cup, nitong huli ay muling pinangatawanan ang pagiging contender nang umabot hanggang finals.

No. 2 sila sa eliminations, hindi sinayang ang twice-to-beat sa quarters nang sipain agad ang Alaska. Itinumba rin ng Bolts ang TNT sa semis 3-2.

Hinamon ng Meralco ang Ginebra sa cham­pionship round, pangatlo sa nakalipas na apat na seasons. Tumukod ang Bolts sa limang laro.

“We always had trouble in the all-Filipino,” pag-amin ni coach ­Norman Black.

Wala silang lehitimong big man noong mga nagdaang taon, nagkaroon ng tsansa nang makuha si Raymond Almazan mula Rain or Shine.

Pero sa championship round ng Governors Cup, inabot ng knee injury ang 6-foot-8 center.

Back-to-zero na naman ang Bolts sa all-Filipino dahil nawala ang slotman.
“Our biggest concern is the absence of Raymond Almazan,” dagdag ni Black.

Concern sa unang buwan ng season-ope­ning tournament. “He could’ve given us the first opportunity to have a big man to really match up with the other big men.”

Base sa timetable, apat na linggo pang mawawala si Almazan. Sisiklab ang PBA Season 45 sa March 8, unang sasalang ang Bolts sa March 15 kontra Magnolia sa Smart Araneta Coliseum. (Vladi Eduarte)