Abante Tonite Interactive

Bombero pisak sa 18-wheeler

493

Isang bombero ang nasawi habang sugatan ang kanyang kasamahan nang maaksidente ang sinasakyan nilang fire truck at sumalpok sa 18-wheeler truck sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Agarang namatay ang biktima na kinilalang si Melvin Ang, 47-anyos, dahil sa grabeng tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakilala naman ang kanyang kasamahan na nasugatan sa insidente na si Wilfredo Orpiano, 61-anyos.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District, dakong alas-11:30 ng gabi nitong Linggo, Abril 5, nang mangyari ang sakuna sa A, Bonifacio Avenue corner Alejo Street sa Quezon City.

Base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar pinangyarihan ng insidente, binabaybay ng truck ng Sampaloc fire volunteers ang bahagi ng A. Bonifacio Avenue nang bigla na lang tumilapon ang sasakyan at natanggal ang unahang bahagi nito.

Sinasabing mabilis ang takbo ng fire truck kaya sumalpok pa ito sa isang 18-wheeler truck na may mga kargang bigas.

Bukod sa 18-wheeler truck, sumalpok din umano ang sasakyan ng mga biktima sa pader ng Manila North Cemetery dahilan para mabutas ang dalawang nitso sa nasabing libingan.

Nabatid na bago ang aksidente ay rumesponde ang fire truck sa sunog sa isang residential area sa Barangay 132 sa Bagong Barrio, Caloocan City. (Dolly B. Cabreza)

Tonite – Wendys Inhouse Ad