Abante Tonite Interactive

BONG AT AMA, ‘PINATAY’ (NA NAMAN) SA FB

By
Bong Revilla
15

NAKAKARINDI ang sunud-sunod na fake news na ikinakalat tungkol sa dating Sen. Bong Revilla na pumanaw na raw ito sa cardiac arrest habang nakakulong ito sa Camp Crame.

Dalawang linggo na ang nakaraan, pumutok ang maling balitang ‘yan, pero ipinagkibit-balikat lang ito ni Sen. Bong.

Kamakalawa lang ay may nagkalat na naman sa Facebook, kaya ang dami na namang nag-text sa amin kung totoo ito.

Abante Hiring – IT dep

Natawa na lang si Sen, Bong nang nakarating na naman sa kanya, pero naiinis na rin ang ilang miyembro ng pamilya na nakakatanggap ng mga text o tawag mula sa mga taong nababahala sa ganoong tsika.

Pagkatapos nito, may nagkalat na ang ama nilang former Sen. Ramon Revilla Sr. naman daw ang pumanaw.

Ginising kami kahapon ng tawag ng ilang miyembro ng media para kumpirmahin kung totoo ba itong nangyari sa ama nina Sen. Bong.

May nagsabi pang isinugod daw ito sa St. Luke’s Global at sa kasamaang palad, pumanaw na raw ito.

Si Mayor Lani Mercado ang napagtanu­ngan namin na ikinagulat niya.

Tinawagan niya agad ang nurse na nagbabantay sa kanilang Daddy, at sinabi sa kanyang nagpapaaraw lang ito sa labas ng bahay.

Ang kapatid ni Sen. Bong na si Andeng Ynares ay nababahala kung sino ba ang nagkakalat ng ganitong fake news.

Sana, huwag na raw patulan, at maawa sila sa Daddy niya na gawan pa ng ganu’ng balita.

Kahapon naman ay nag-post si Sen. Bong ng statement sa Facebook.

Sabi niya, “Sa mga taong ako po ay patuloy na ‘pinapatay’ na, patawarin kayo ng Diyos.

“Muli, sa araw na ito ay ‘pinatay’ na naman ako sa atake sa pusong mga walang magawang mga tao kundi ang magdulot ng sama ng loob at magkalat ng kasinungalingan.

“Kung sabagay ay may kasabihan na kapag ang isang tao raw napaba­litang patay na, ngunit buhay na buhay naman ay lalo lamang lumalawig ang kanyang buhay.

“Sa ganitong aspeto ay nagpapasalamat pa ako sa may akda ng balitang ito (na isang malaking kasinungalingan).

“Ngunit pinapatawad na kita, kayo, kung sino man na may kagagawan nito.

“At nawa’y bigyan kayo ng tunay na kasiyahan sa inyong buhay ng Panginoong Diyos, dahil mukhang salat na salat kayo nito, kung kaya’t tila katuwaan na at kaligayahan n’yo na ang magdulot ng sama ng loob sa ibang tao?

“Sa mga patuloy na nagmamahal sa akin, BUHAY NA BUHAY po ako. At patuloy ko rin kayong minamahal.

“Nakikiramay ako sa mga nasalanta ng bagyo dito sa atin at sa Florida, USA. Nawa’y tumigil na ang ulan at umalis na ang bagyo.

“God bless us all in these trying times. Amen.”

Tuwing Huwebes ay regular na dumadalo si Sen. Bong sa hearing ng kaso niya sa Sandiganbayan. Makikita n’yo siya roon na buhay na buhay.