Abante Tonite Interactive

Bong feeling ‘senti’ ngayong Pasko

By
12

MULING bumalik sa Sandiganbayan si dating­ Sen. Bong Revilla dahil para sa pagdinig sa Motion for Leave to File Demurrer of Evidence na isinampa niya kaugnay sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya.

Tapos na ang hearing­ sa kasong plunder at graft, pero wala pang naibababang desisyon ang Sandiganbayan.

Dahil sa tingin nila ay mahina ang inilatag na ebidensya ng prosecution, kaya nagsumite sila ng naturang motion.

Itong Motion for Leave to File Demurrer of Evidence ay ang paghingi ng pahintulot na payagan ang defense na ipa-dismiss ang kasong plunder na isinampa laban sa dating senador.

Maagang dumating si Bong sa Sandiganbayan kahapon kasama ang mga abogado niya at si Mayor Lani Mercado.

Dumating din ang mga close friends gaya ni Phillip Salvador, pero hindi naman natuloy ang hearing.

Hindi sumipot ang dalawang miyembro ng prosecution kaya ipina-schedule na ng December 7.

Umaasa si Sen. Bong na mapapagbigyan siya ng korte para­ maging masaya naman sana ang Pasko niya.

Pero nakahanda na raw siyang mag-Pasko uli sa loob ng Custodial Center dahil hindi pa naman alam kung ano ang magiging kahihinatnan ng pagdinig at matatagalan pa ito.

Kaya bale pang-apat­ na Pasko na niya ito sa kulungan kung sakali.­ Mabuti at buo naman daw ang kanyang pamilya­ na all-out ang suporta sa kanya, pati mga malalapit na kaibigan.

Medyo senti si Sen. Bong kapag dumara­ting ang Pasko dahil may Metro Manila Filmfest na lagi niyang sinasalihan.

Sabi nga ng ilang reporter, okay sana ngayon dahil may Ang Panday si Coco Martin na alam naman ng lahat na bahagi na si Sen. Bong sa history ng Panday.

Sinasabi naman noon pa ni Sen. Bong na gustong-gusto na niyang makagawa ng pelikula.

Kung sakaling makalabas na siya, iyon daw ang gusto niyang gawin dahil pinag-iisipan na niyang iwan ang pulitika.

Mas gusto na lang daw niyang mag-focus na sa showbiz, kesa sa politics. Puwede naman daw siyang tumulong sa mga tao kahit wala siya sa pulitika.

Samantala, gusto lang ikorek ng kampo ni Sen. Bong ang ibinalita ng ABS-CBN 2 na kaya raw hindi natuloy ang hearing kahapon dahil na-late ng dating si Sen. Bong.

Sa totoo lang, nu’ng pagdating niya sa Sandiganbayan kahapon ay taga-GMA 7 lang ang nandun na nag-cover sa kanya, dahil na-late ng dating ang taga-ABS-CBN 2.