Abante Tonite Interactive

Bong Go walang plano sa 2022

305

Nanindigan si dating special assistant to the president Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na wala siyang plano sa 2022 elections.

Sinabi ito ni Go bunsod ng mga lumabas na artikulo na balak daw niyang tumakbong vice-president o kaya presidente sa 2022.

“Wala po akong ambisyon sa ganu’ng posisyon,” diin ni Go.

Aniya, tulad ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi inaambisyon ang isang posisyon dahil sa ito ay handog ng Panginoon.

Naunang isinulat sa kolum ng political analyst na si Richard Heydarian na matibay na tambalan sa 2022 sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Go.

Si Go ay isa sa malakas na senatorial candidate ni Pangulong Duterte kung saan sa Pulse Asia survey nitong Marso ay pangatlo ito sa likod nina Senador Grace Poe at Cynthia Villar.