Abante Tonite Interactive

Bonggang opening sa 30TH Sea Games

507

Ramdam ang party-party at fiesta atmosphere sa opening ceremonies ng Philippine 30th Southeast Asian Games 2019 sa 55,000-seater Philippine Arena sa Sta. Maria-Bocaue, Bulacan Sabado ng gabi.

Si Presidente Rodrigo Duterte, katabi si Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, ang mga panauhing pandangal.

Nagsimula ng alas-7:11 ng gabi ang cere­monies sa pamamagitan ng pag-awit ni Lani Misalucha ng Lupang Hinirang na walang kiyeme at malakas ang dating, walang pasikot-sikot sa nota. Sinundan ng bongga at makulay na dance presentation ng iba’t ibang kultura ng Pilipinas na ipinakita ng Ramon Obusab Folkloric Group.

Pagkatapos ng 15-minutos na dance profile ay ipinakilala na ang mga atleta ng 11 bansa na kasali sa SEAG.

Santacruzan ang tema ng delegation introductions, bawat bansa ay pinangunahan ng arko na may kasamang muse na mga Pilipina beauty queens, sinundan ng kani-kanilang flag bearers.

Unang pumasok ang delegasyon ng Brunei, sinundan ng Cambodia.

Kasunod ang malaking contingent ng Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam.

Panghuli ang host na Pilipinas, papasok pa lang ay umilaw na ang arena at hinarana ng sigawan ng home crowd hanggang makalabas ng stage ang buntot ng contingent.

Si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach ang muse ng Team Pilipinas, ‘di sa pole nakalagay ang malaking flag kundi hawak sa apat na sulok ng bearers.
‘Manila’ ng Hotdogs ang tugtog na sumalubong sa Team Pilipinas, sinabayan ng crowd ang kanta.

Pati si Presidente Duterte, sumasabay sa indak at kumukumpas sa dalawang palad, maya-maya ay kumakaway na nagpatili at saya sa mga atleta.

Tapos ng introductions ay ang musical extravaganza naman na inumpisahan ni Robert Sena na inawit sa binago at in-Ingles na bersiyon ng bantog na awi­ting ‘Kay Ganda ng Ating Musika ni Hadji Alejandro.

“We put our fate in your hands, but we put actions in our fate,” ani Phisgoc chairman Alan Peter Cayetano sa kanyang opening speech.
Si President Duterte ang nagdeklara ng pagbubukas ng SEA Games.

Pagkatapos ay ipinasok ang Southeast Asian Games Federation flag hawak ng Philippine sports icons na sina Lydia de Vega Mercado (track and field), Akiko Thompson (swimming), Eric Buhain (swimming), Alvin Patrimonio (basketball) sa isang hanay, sa kabila sina Bong Coo (bowling), Efren ‘Bata’ Reyes (billiards), Onyok Velasco (boxing) at Paeng Nepomuceno (bowling).

Nang maitaas ang Fede­ration flag, sumunod ulit ang second part ng musical extravaganza.

Kung sa opening pa lang na bongga, panalo ang hosting! (VE)