Abante Tonite Interactive

Boobs ni KC trip lumundag sa suot

4,825

Habang nababagabag na ang buong mundo dahil sa COVID-19 ay hindi pa rin pala napapahinga ang ibang bashers. May mga nakukunsensiya sa pagbira sa mga artista at pulitiko pero meron pa ring hindi talaga makapagpigil sa paglalabas ng kanilang opinyon at emosyon.

Ang nasentruhan nila ay si KC Concepcion na naglabas ng kanyang cyber applause video para sa magigiting nating frontliners.

Napakasinsero ng kanyang pasasalamat sa mga kababayan nating nagbubuwis ng buhay para iligtas ang kanilang kapwa. Ngayon natin napatunayan na hindi lang mga sundalong may armas ang maituturing na bayani ng ating bayan.

Pero hindi ang kanyang pasasalamat ang pinansin ng mga bashers ni KC, kundi ang kanyang suot na damit, pati ang kanyang pagsasayaw.

May kaseksihan kasi ang kanyang suot, naglalantad ‘yun ng kanyang dalawang bundok, may bahagi pang lumapit talaga siya sa camera kaya parang gusto nang lumundag sa suot niya ang magkabila niyang dibdib.

Papansin daw si KC, ayon sa kanyang mga bashers, nasa ganitong panahon na nga raw tayo na marami nang namamatay dahil sa coronavirus ay naghahanap pa rin siya ng pansin.

Sa ibang website na mababasa ang mga ganu’ng komento, mautak kasi ang panganay ni Sharon Cuneta, naka-disable ang comment box ng kanyang applause video.

Nang buksan niya uli ang kanyang comment box ay may nagkomento na ganu’n naman daw siya palagi, ipinagbubuyangyangan niya ang kanyang dibdib, na hindi naman basta pinalalampas lang ng dalaga.

Buong-ningning na panonopla ni KC sa pumansin sa kanyang boobey, “This is MY BODY. Not yours. You can do what you want with yours. I can do what I want with mine.”

Taray!

Mga artistang mahilig sa gimik buryong na

Napakalaking sakripisyo para sa mga personalidad na makakati ang paa ang pinaiiral na enhanced community quarantine ngayon. Sila ang mga artistang itutulog na lang ay rampa pa rin nang rampa.

Pagod na sa shooting at taping ay magpupunta pa rin sa bar, magnonomo-nomo, hanggang sa malasing na. Ano kaya ang pinaglilibangan nila ngayon?

Parang nakikinita na namin ang kanilang pagkaburyong dahil hindi sila makalabas ng bahay. Kain-tulog lang ang ginagawa nila ngayon, puro gadget ang kaharap, para makipagkumustahan nang malayuan sa kanilang mga kapamilya at katrabaho.

Ang lockdown ay lalong nagiging mahirap para sa mga kababayan nating limitado lang ang kayang ibiyahe ng kanilang naitatabing pera.

Lalo na ang mga manggagawa na kada araw lang ang sahod, wala silang pinagkukunan ngayon, kaya laganap ang depresyon.

Kumalat agad ang kuwento na magkakaroon daw ng ekstensiyon hanggang Mayo ang lockdown. Hindi lang ang mga kinakapos ang nag-alala, pati ang mga bukod-na-pinagpalang mangangalakal ay nabahala rin, paano na nga naman ang kanilang mga negosyo kung pahahabain pa ang ECQ?

Mahaba ang pasensiya ng ating lahi pero mas malaking bilang ang maigsi lang ang pisi ng bulsa. Sa loob pa nga lang nang dalawang linggo ay naghihingalo na ang kanilang kaban, paano pa kapag nagtagal ang ganitong sitwasyon, di nganga na talaga?

Fake news, sabi ng Malacanang, ang umiikot na balita. Hindi raw totoo ‘yun. Huwag daw tayong nagpapaniwala sa mga kuwentong-kutsero.

Harinawa!

Tonite – Wendys Inhouse Ad