Abante Tonite Interactive

Borboran, RoS eskapo sa Alaska

0 278

Binalewala ng Rain Or Shine Elasto Painters ang pagkawala ng import na si Denzel Bowles upang itakas ang 86-84 panalo kontra Alaska Aces upang pahigpitin ang labanan tungo sa quarterfinals Sabado sa eliminasyon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa MOA Arena.

Agad na lumabas sa laro ang dating Best Import awardee sa kalagitnaan ng ikalawang yugto matapos makabanggaan ni Jeron Teng ng Alaska at hindi na nakabalik pa sa labanan matapos itong ituloy na sa pinakamalapit na ospital upang masuri ang injury nito sa kanang tuhod.

Hindi naman nagpabaya ang mga lokal ng Elasto Painters matapos na magtulungan sina Gabe Norwood at Mark Borboran upang itulak ang koponan sa kanilang ikaapat na panalo sa loob ng siyam na laro at magpakakatatag sa ikapitong puwesto.

Nalasap naman ng Alaska Aces ang ikaapat na sunod nitong kabiguan at nahulog sa 4-6 panalo-talong kartada tungo sa delikadong ikawalong puwesto.

“Iyun nga, na-injured si Denzel. Sinabi lang ni coach Caloy (Garcia) na kailangan namin na magtulungang lahat para maipanalo ang laro,” sabi ni Borboran, na itinala ang lima sa kanyang kabuuang 11 puntos sa krusyal na yugto upang ibigay ang siyam na puntos sa huling dalawang minuto tungo na sa panalo.

Bagama’t hindi natapos ni Bowles ang laro ay nagtala pa rin ito ng team high 16 puntos at apat na rebounds habang nag-ambag din si Javee Mocon ng 11 puntos at may 10 naman si Rey Nambatac. (Lito Oredo)