Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Boserong DLSU student parusahan

0 1,563

Umapela ang isang abogado sa Student Disciplinary Formation Office (SDFO) ng De La Salle University (DLSU) sa Maynila na huwag isama sa kanilang graduation ngayon taon ang estudyanteng inireklamo ng kapwa niya mga mag-aaral ng umano’y kahalayan at kabastusan.

Sa isang liham ni Atty. Juan Orendain Buted ng Disini Law, hiniling niya kay SDFO Director Michael Millanes na pansamantalang isantabi ang aplikasyon ng nireklamong estudyante na makasama sa mga magtatapos sa taong ito sa DLSU sa Taft Avenue habang hindi pa nareresolba ang akusasyon ng pamboboso laban sa kanya.

Sadyang hindi pinangalanan ng Abante TONITE ang nasabing graduating student ng DLSU na bini-video umano ang mga hubad na babaeng estudyante habang nasa loob ng shower/bathroom sa kanilang campus gamit ang kanyang cellphone na palihim na inilagay sa banyo.

Nabatid na hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang cellphone na ginagamit sa pamboboso at iniimbestigahan na ito.

Nalaman pa na ang nireklamong estudyante ay mula sa isang kilalang angkan ng mga politiko sa isang probinsya sa Visayas.

Noong Abril 14, 2020, inireklamo siya ng mga kapwa estudyante, kasama ang kanilang mga magulang at guardian, ng umano’y kahalayan na lantarang paglabag sa pinaiiral na kagandang-asal ng DLSU. Hindi naman tinukoy sa liham ang mga kahalayang inakusa sa kanya.

Nais ni Buted na ibinbin muna ang application for graduation nito habang dinidinig ang kaso sa SDFO.

Aniya, mawawalan ng saysay lahat ng pagsisikap ng kanilang mga kliyente na maparusahan ang naturang estudyante sa “deplorable actions” nito. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.