Abante Tonite Interactive

Boy gunting sa Manila City Hall

244

Bukod sa trabaho bilang hepe ng isang unit sa Manila City Hall, may ambisyon din palang maging PR man itong bata ni Manila Mayor Joseph Estrada.

Bakit kanyo? Aba eh gusto pang agawan ng puwesto ‘yung taong tumutulong kay Mayor Erap para maipaalam ang mga proyekto at ginagawa ng pamahalaang lungsod.

Ganito ang istilo niya na sabi nga ng mga tao sa city hall eh hindi sipsip kundi sobrang paghigop na ang dating.
Tuwing umaga, inuutusan niya ang kanyang mga tauhan na i-monitor ang lahat ng paha­yagan.

Bakit, akala niyo na ba eh gusto niyang magbasa ng mga balita? Wrong answer po kayo mga ka-Abante.

Ginugupit niya ang mga press release ni Mayor Erap at hindi pa man nag-iinit ang puwet ni mayor sa pagkakaupo ay iaabot na niya ito.

Heto ang susunod na eksena: Dumating ang pobreng tumutulong sa PR ni mayor at dala ang mga balita tungkol sa mga aktibidad ni mayor na lumabas sa mga pahayagan.

Ang sagot ni Mayor: Ah nakita ko na ‘yan sabay turo sa mga ginunting nitong si Boy Epal. Nagulat ang pobre, isip niya, hindi naman niya kinuhang assistant itong si Boy Epal ah.

Anyare sir? Ang sabi nga ng ibang bataan ni Mayor, may kabastusan itong si Boy Epal. Mahilig manapak, mahilig manapaw. Hindi naman niya prayoridad na trabaho ang mag-security kay Mayor pero una-una pa ito sa pag-eksena sa tunay na security aide ni Mayor tuwing may activity ito sa labas.

Ngayon naman, sinasapawan pa ang tumutulong sa PR ni Mayor Erap.

Aba eh paki-spell nga po ang salitang respeto? Tingnan nga natin kung guntingin niya rin ito na siya ang bida para ipabasa kay mayor? Abangan!