Abante Tonite Interactive

Boylet ni lola nag-uwi ng babae, sinaksak

By
3,551

Saksak ng ice pick ang inabot ng 24-anyos na binata mula sa kanyang nobya na 65-anyos na lola dahil nagalit ang matanda nang malaman na nag-uwi ng babae ang boylet niya sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City kamakalawa.

Sa ulat ng Novaliches Police, Huwebes ng gabi nang i-turnover sa kanila ng mga opisyal ng Brgy. Sta. Monica ang magkasintahan na pina­ngalanan lamang na Boy at Lola Fely.

Nagharap ang magkasintahan sa presinto matapos malapatan ng lunas ang tatlong mabababaw lang na saksak ng ice pick sa likuran, braso at mukha ng binata na kagagawan ng kanyang nobyang si Lola Fely.

Kuwento ni Lola Fely, nagdilim ang kanyang paningin nang makitang paparating ang nobyo na may kaakbay pang babae patungo sa kanilang bahay sa nasabing barangay.

“Inutusan ko siya na bumili ng beer para pagdating ko ay mag-iinuman kami. Siguro akala niya wala pa ako sa bahay kaya nagsama siya ng babae. Kaya ‘yung ice pick na pantadtad ko sana sa yelo, sa kanya ko nagamit,” ayon kay Lola Fely.

Inamin naman ni Boy na nag-uwi nga siya ng babae dahil sa akalang wala pa si Lola Fely dahil mahilig umano itong gumala bago umuwi sa kanilang bahay.

Pero habang pinag-aayos ang magkasintahan ay tumanggi nang makipagbalikan pa si Boy kay Lola Fely dahil ito naman aniya ang nanligaw sa kanya.

Pero, itinanggi ni Lola Fely ang sinabi ni Boy na siya ang nanligaw sa binata. Aniya, kahit matanda na siya ay maraming naging karibal ang binata sa kanya kaya dapat pa umanong magpasalamat ito dahil napili niya.

“Kung ‘yan ang gusto niya maghiwalay na kami, okay fine! Walang pakialaman!” ani Lola Fely.

Sa harap ng mga opisyal ng barangay ay nagka-aregluhan ang dalawa na maghihiwalay na lamang at wala nang pakialaman. (Dolly ­Cabreza)