Abante Tonite Interactive

BPO naungusan ng mga POGO

231

Nagmamahal ang renta para sa mga opisina sa mga business district sa pinakamalala­king lungsod sa bansa at inaasahang magpapatuloy pa ito sa mga susunod ng taon.

Ayon kay David Leechiu, presidente at chief executive officer ng Leechiu Property Consultants, malaki ang papel dito ng mga Phi­lippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil sila ang mabilis kumuha ng mga office space sa mga gusali na bagong gawa.

“It’s been a crazy, crazy year,” sabi ni Leechiu. “And the biggest driver is the POGO industry.”

Sabi niya, pang-apat na ang Metro Manila sa pinakamasisiglang pro­perty market sa buong mundo kung saan nauuna ang Shanghai, Beijing, at Tokyo. Panglima ang Bangalore sa India.

Ayon kay Leechiu, nasa P1.2 hanggang P1.3 mil­yon ang mga transaksyong isinara para sa office space sa Metro Manila.
Kung isasama ang mga pre-commitment ngayong taon, aabot ito sa 1.7 million kada square meter.

Lumalabas pang nauungusan na ng mga POGO ang BPO industry sa dami ng mga nirerentahang opisina o gusali para sa kanilang mga negosyo.

Sabi ni Leechiu, umaabot sa 738,000 square meter ang kinuha ng mga POGO na office space ngayong taon samantalang bumaba naman ng 14% sa 573,000 square meter ang kinuha ng business process outsourcing (BPO) industry.

Hindi nakikita ni Leechiu na maapektuhan ang POGO industry sa ginawa ng Makati City na pagpapati­gil sa pagbigay ng permit sa mga POGO dahil pupunta lang ang mga ito sa ibang mga lungsod.

Sabi niya, ang bay area sa Pasay ang pinakasikat na lokasyon para sa mga POGO na mas gustong okupahin ang buong gusali. Bukod pa rito, isang taong advance ang bayad sa renta ng mga POGO. (Eileen Mencias)