Abante Tonite Interactive

Brahms grabe ang kilabot

381

NI: Roldan Castro

Noong 2016, naging matagumpay ang horror movie na “The Boy”. Ito ay kumita ng *$64 million sa takilya sa buong mundo, samantalang ginawa ito sa mababang budget na $10 million. Ito ay tungkol sa isang manika na tinawag sa pangalang Brahms. Si Brahms ay binigyan ng isang yaya upang ituring ito na parang tunay na bata. Nang suwayin ng yaya ang pambihirang utos na ito, malagim na pangyayari ang kanyang sinapit.

Ngayong 2020, patuloy ang kilabot na hatid ng The Boy sa kanyang sequel na “Brahms: The Boy 2”, mula pa rin sa direksyon ni William Brent Bell at sa panulat ni Stacey Menear. Tinitiyak ni Katie Holmes bilang pangunahing karakter sa pelikula na ito ay magiging kasing-satisfying tulad ng unang pelikula.

Si Holmes ay gumaganap bilang Liza, na ayon sa kanya ay isang “universal character” , dahil sa agiging mapagmahal at protective mother nito. Si Liza, kasama ng kanyang asawang si Sean at anak na si Jude, ay nanirahan sa Heelshire Mansion matapos makaranas ng “ traumatic event”, ayon kay Holmes. Wala silang kamuwang-muwang na ang mansyon ay may nakakikilabot na nakaraan.

Makikita sa trailer na nahukay ni Jude ang manyikang si Brahms at simula noon ay lagi na niya itong kasama. Tulad sa unang pelikula, may mga panuntunan na nakakabit kay Brahms, at isa sa mga ito ay dapat lagi siyang kasama ni Jude, “always and forever”.

Dahil sa kakaibang pagkilos ng kanyang anak, nagsimulang mag-research si Liza tungkol sa manika. Noon niya nalaman ang ilang impormasyon tungkol sa mga pagpatay sa prominenteng pamilya na nangyari noon pang 1894.

Sa kanyang panayam sa Daily Dead, sinabi ni direk Bell: “the sequel will be a complex little story to deliver on what the first movie delivered”. Alam ng mga nakapanood ng “The Boy” na isang malaking twist tungkol kay Brahms ang hatid ng pelikula. Mula roon, ang “Brahms: The Boy 2” ay nakatuon naman sa iba pang nakamamanghang detalye tungkol sa nakatatakot na mundo ni Brahms. Sa katunayan, ang pagkakaroon ng sequel ay talagang sinadya nina direk Bell at ang kanyang screenwriter na si Menear.

“It’s fun to be scared sometimes, huh?” sambit ni Jude sa unang bahagi ng trailer. Naging “fun” nga para kay Katie Holmes na gawin ang pelikulang ito. Sa CinemaCon 2019, ibinahagi niya, “Because (Liza) was so vulnerable, she was really ready to be scared. It’s a fun role to play, to be in that heightened state of emotion.” Inamin naman niya na natakot siya sa mga eksenang ka-one-on-one ang manyika.

Ang batang si Jude ay ginagampanan ni Christopher Convery (batang Billy sa Stranger Things), habang ang kanyang ama at asawa ni Liza ay ginagampanan ni Owain Yeoman (The Belko Experiment, Emergence, The Mentalist).

Palabas na ang “Brahms: The Boy 2” ngayong February 19, 2020. Mula sa Viva International Pictures at MVP Entertainment.