Abante Tonite Interactive

Brgy checkpoint bawal sa national highway – PNP

595

Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) lahat ng kanilang unit na siguraduhing walang maglalagay ng barangay checkpoint sa mga national highway at provincial road.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield (JTF CV Shield), ito ang inutos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año dahil na rin sa mga natatanggap na reklamo na magkakaiba ang mga panuntunan at regulasyon ng mga local government unit (LGU) hanggang sa barangay level sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

Sinabi ni Eleazar na naaantala ang delivery ng mga pangunahing produkto o kalakal dahil sa mga barangay checkpoint na inilagay sa mga national highway at provincial road na nagdulot ng kalituhan sa publiko, particular sa mga taong awtorisadong lumabas sa kanilang tahanan sa panahon ng enhanced community quarantine.

Ayon kay Eleazar, ang ibang barangay checkpoint ay nagpapatupad ng sarili nilang mga panuntunan na taliwas sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Dahil dito, maraming natatanggap na reklamo ang task force mula sa mga cargo owner at driver gayundin sa mga tao na exempted sa home quarantine,

“The President’s order is clear: the IATF guidelines should prevail in the ECQ rules,” pagdidiin ni Eleazar.

Aniya pa, batay sa kautusan ng DILG ay PNP checkpoint lang ang pinapayagan sa mga national highway at provincial road at puwedeng mag-inspeksyon ang mga police personnel sa mga cargo truck na dumadaan sa mga pangunahing lansangan.

Sa mga looban lang aniya o interior road ang barangay checkpoint at kailangan din na mayroon itong pahintulot at superbisyon ng lokal na himpilan ng pulisya sa lugar para matiyak na sinusunod ang mga kautusan galing sa IATF.

Ang JTF CV Shield ay nagsisilbi bilang enforcement arm ng IATF. Binubuo ito ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad