Abante Tonite Interactive

Brgy kagawad, anak, 2 helper dinampot sa alcohol raket

0 494

Arestado ang isang barangay kagawad kasama ang kanyang anak na lalaki at dalawang helper nila dahil sa pagbebenta ng isang brand ng alcohol na mahigit sa dobleng presyo, nitong Miyerkoles ng hapon sa Pasay City.

Kinilala ang mga suspek na sina Gemma Montalbo, 51, kagawad ng Barangay 88 sa Pasay City; anak na si Eduardo Salvador, 24; at mga helper sina Harvy Besa, 20, at si John Paul Delos Reyes, 20.

Ayon sa isinumiteng ulat ni Col. Ericson Dilag, hepe ng Pasay City Police, dakong alas-5:30 ng hapon nang isailalim sa entrapment operation ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang Air Intelligence and Security Wing ng Philippine Air Force (PAF) at naberipia ng mga tauhan ni Captain Deni Pedroso, hepe ng Pasay City Police-Station Intelligence Section.

Nakabili kay Eduardo ng isang piraso ng alcohol ang umaktong buyer sa halagang P185 gayong ang regular price nito ay P74 lang dahilan upang arestuhin ito.

Nagsilbi pa umanong lookout si Kagawad Montalbo kaya binitbit din ng mga awtoridad. Kasama ring dinampot ang dalawang helper na naroon ng oras na isinagawa ang entrapment operation.

Hinala ng mga awtoridad na ginagamit umano ni Montalbo ang posisyon nito bilang kagawad para sa hoarding at overpriced selling ng alcohol.

Nasa 504 piraso ng tig-500ml ng alcohol ang nasamsam mula sa mga suspek.

Patung-patong na mga kasong paglabag sa batas dahil sa overpricing at profiteering ang isasampa laban sa mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. (Armida Rico)