Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Briones nabunutan ng tinik

0 102

Mukhang nabunutan ng tinik si Education Secretary Leonor Briones matapos lumabas ang “Ulat ng Bayan” Survey Report ng Pulse Asia kamakailan. Nakapagtala kasi ang DepEd secretary ng 60 percent net approval rating base sa survey na isinagawa noong September 14 hanggang 20. Isa siya sa mga Cabinet member na may mataas na rating sa survey.

Ilang buwan na rin kasing pinipintasan si Secretary Briones ng grupong makakaliwa at ilang netizens sa pamamalakad nito sa Department of Education. Dumating pa ito sa punto na kailangang ipagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalihim.

Pero sa lumabas na survey, ipinapakita dito na mayorya ng mga Pilipino ang nagbigay ng thumbs up sa trabaho ni Briones. Pinakamarami sa bumilib sa kanya ay ang mga naninirahan sa kanayunan. Bukod dito, nasungkit din ng DepEd ang net approval na 73 percent na isa sa pinakamataas sa hanay ng mga ahensiya ng gobyerno.

Nakilala rin nang husto sa buong bansa ang kalihim matapos pumalo sa 93 percent ang kanyang awareness mula sa 75 percent noong 2019. May mga Cabinet secretary kasi na kapag tinanong mo sa magtataho, halimbawa, baka sabihin nilang “Sino yun?”

Nagpapasalamat naman si Secretary Briones sa pagtitiwala sa kanya ng mga mamamayan. Sabi pa niya, gagamitin niya itong motibasyon para isulong ang marami pang reporma sa basic education.

Malaking hamon kasi sa DepEd ang School Year 2020-2021 dahil nataon ito sa COVID-19 pandemic kung saan kinailangan nilang ipatupad ang maraming pagbabago sa pag-aaral ng higit sa 24 milyong mag-aaral. Maraming magulang daw kasi ang nangalampag na itigil muna ang klase dahil sa pandemya.

Subalit sa ginawang pagsukat ng Pulse Asia, 25 percent lang ng respondents ang tutol sa pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng distance learning samantalang 15 percent ang undecided. Pumalo naman sa 60 percent ng respondents ang pabor sa pagpapatuloy ng klase.

Isipin nyo na lang kung tumigil sa pag-aaral ang 24 milyong kabataan. Malamang marami sa kanila ay babad sa pagdo-DOTA o kaya ay sa paglalaro ng ML. Sasayangin lang nila ang kanilang oras kung nagkataon na pinatigil ang klase.

Leave A Reply

Your email address will not be published.