Abante Tonite Interactive

Broken hearted, homesick sintomas ng mental illness

498

Hindi dapat husgahan ang mga taong may mental health issue sa halip ay dapat bigyan ng mas malalim na pang-unawa ang mga taong may pinagdaraanan.

Kasabay nito ay hinikayat ni Health Undersecretary Eric Domingo ang mamamayan na unawain ang kondisyon ng mga taong may mental issues.

“Huwag po natin huhusgahan ang mga may mental health issues. Isipin po natin na parang kagaya lamang ito ng hypertension at diabetes kung mayroon tayong kaki­lala na may sintomas ng lumbay,” ayon kay Domingo.

Sinabi ni Domingo na karamihan sa mga Pilipino ay naiinis o natatakot na makipag-usap sa mga taong may problema sa pag-iisip.

Ayon sa data ng DOH, lumalabas na sa Pilipinas ay may 3.3 milyong Pilipino ang dumaranas ng depressive disorders.

Nabatid sa World Health Organization (WHO) na isa sa apat na katao sa buong mundo ang apektado ng mental o neurological disorders at 800,000 katao kada taon ang nagpapakamatay.

Nabatid na ang pagkakaroon ng phobia ay senyales rin ng mental health problems.

Ang matinding homesick at pakiramdam na heart broken ay maaaring ma­ging sintomas ng mental health na nauuwi pa sa pagpapakamatay.

Sanhi nito,para matulungan ang mga taong may mental health problems, nag­lunsad ang DOH ng isang hotline para may makausap at mabigyan ng payo ang mga taong may mental health issues.

Maaari umanong tumawag sa 0917-899-USAP 0 989-USAP kung saan marami na rin umano itong nabigyan ng payo kung saan ang pinakabatang caller ay nasa edad 12 at 13 anyos. Bukas umano ang hotline 24/7. (Juliet de Loza-Cudia)