Abante Tonite Interactive

Broker wawalisin

0 278

Mukhang delikado ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang mga broker sa Bureau of Customs para mabawasan ang katiwalian sa ahensiya.

Sa tingin ni Pangulong Digong ang mga brokers ang sanhi ng korapsiyon.

Pagtinanggal raw ang mga ito ay mababawasan ang katiwalian.

Ideya daw ito ng Presidente at bawat kompanyang may transaksiyon sa BOC.

Para maayos ang mga kailangan ay magpadala na lamang daw ng accreditation at sila na mismo ang magtatrabaho para sa paglabas ng kanilang kargamento.

Mukhang tama sa puntong ito ang Pangulo. Hangga’t may dinadaanan talagang tanggapan tiyak may milagrong nangyayari.

Harinawa’y magtagumpay ang Pangulo sa planong ito.

***

Nagpapasikat yata ang mga kongresista! Nakakagulat naman kasi ang kanilang kasipagan mula nang mag-umpisa sila ng trabaho sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Noong Biyernes ay tinapos ng House appropriations ang budget hearings kaya nitong Martes ay inumpisahan na agad ang plenary debate sa 2020 National Budget. Breaking the record nga ito para sa Kamara na sa kasaysayan ay madalas inaabot ng ikatlong linggo bago matapos ang mga deliberasyon sa pagbabadyet.

Nitong Lunes naman ay dalawang priority bills ang lumusot sa ikatlo at huling pagbasa—ang House Bill (HB) 304 na kilala rin bilang “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act” (PIFITA) at ang HB 300 o “Amendment of the Foreign Investments Act (FIA)”.

Layon ng PIFITA bill na amyendahan ang National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 at repormahin ang pinansiyal na sektor ng bansa. Iniakda ito ni Rep. Joey Salceda para mabigyan ng magandang laban ang Pilipinas sa panghihikayat ng mga mamumuhunan upang mapondohan ang mga proyektong imprasktraktura ng Pilipinas. Inaasahang magbibigay ito ng dagdag trabaho sa mga Pinoy.

Layon naman ng FIA Amendment bill na inakda ni Rep. Victor Yap na amyendahan ang Republic Act No. 7042 o “Foreign Investment Act of 1991,” sa pamamagitan ng pagpayag sa mga dayuhan na makapag-practice ng kanilang propesyon sa Pilipinas.

Kung magtutuloy-tuloy ang sipag na ipinakikita ng ating mga kongresista, malaking ginhawa ang idudulot nito sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil kailangan niya ng suporta ng mga mambabatas para maipasa ang lahat ng mga batas na kakailanganin para mas maging mabilis ang pag-asenso ng bansa.

Malaking impluwensya talaga ang pagkakaroon ng isang masipag na tagspagtimon. Kung may magandang halimbawa ang lider, hindi mahirap para sa mga tagasunod ang magtrabaho.

Sa mga panahong ito katapatan at sipag, kailangan ng Kongreso, kailangan ng bayan! Tuloy-tuloy lang po tayo mga Congressmen!