Abante Tonite Interactive

Brownlee atat maging Pinoy

By
1,637

Hindi na maglalaro bilang isang import sa Pilipinas si Justin Brownlee.

Ito’y kung matutupad ang kahilingan nitong ayunan ng sambayanang Pilipino bilang isang naturalized citizen at magkaroon ng sariling passport bilang isang Pinoy.

Sinabi ng Ginebra import sa pamunuan ng Barangay Ginebra ang posibilidad nitong mapabilang sa lahing Filipino kung saan seryoso din nitong kinukunsidera ang pananatili at pamumuhay sa bansa.

“It has crossed my mind and I am seriously considering it,” sabi ni Brownlee sa ginanap na Ginebra fans’ day sa Metrotent Convention Center Linggo ng hapon. “It is my wish,” ani Brownlee, na napabilang sa kinukunsidera bilang best import na nagpakampeon sa Ginebra kasama nina Billy Ray Bates at Michael Hackett.

Suportado naman ni Gin Kings go­vernor Alfrancis Chua ang kahilingan ni Brownlee kung susundin ng import ang proseso ng naturalization sa Bureau of Immigration (BI).

“Hindi na siya maglalaro bilang import ng Ginebra. Makakasama na siya ng buong barangay bilang isang Pilipino,” sabi ni Chua. “Brownlee loves the Philippines. He told me many times na kung matapos siya ng paglalaro, he wants to stay in the Philippines and he wants to be naturalized,” aniya pa.

Sinabi ni Chua na ilang beses na nagsabi si Brownlee sa kanyang seryosong intensiyon na maging Pilipino at maski kay San Miguel Corp. (SMC) COO Ramon S. Ang. Ipina­ngako naman mismo nina Ang at Chua ang pagsuporta nito sa dating St. John superstar.