Abante Tonite Interactive

Brownlee, Mighty laglag sa Dubai

By
200

Naghabol ng 23 puntos ang Mighty Sports para maisalba ang kanilang tsansa sa title finish, ngunit hindi umubra ang determinasyon ng PH club team sa powerhouse roster ng Al Riyadi mula Lebanon.

Naputol ang pamamayagpag ng Mighty Sports, na walang du­ngis sa elimination phase, matapos bumaga sa Lebanese team 89-84 sa semifinals ng Dubai International Basketball Championship nitong Biyernes ng gabi (Manila time).

Sinubukang ibangon ng three-time PBA champion na si Justin Brownlee ang Mighty, ngunit hindi umubra ang kanyang 24 puntos at tig-apat na rebounds at assists para maisalba ang panalo.

Nakalapit pa sa dulo ang Mighty, nakapagbuslo ng free throws sina Randolph Morris at Fil-Am Roosevelt Adams para ilapit ang iskor sa 87-82, 1:31 ang nalalabi sa game clock, ngunit agad itong binakuran ng pamatay sunog na jumper ni Christopher Obekpa para maselyo ang panalo.

Nanguna para sa Al Riyadi ang Lebanese national­ player na si Wael Arakji na may 23 points, limang assists at apat na rebounds.

Samantalang nakatuwang naman ni Brownlee sina kapwa import na si Randolph Morris na sumikwat ng 21 points at walong boards, maging ang Fil-Am na si Jeremiah Gray ay nag-ambag ng 17 markers.