Abante Tonite Interactive

BRT system project ilipat sa MMDA

By
1,100

Pinasasalo ng ilang kongresista sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bus rapid transport (BRT) system project matapos na isantabi ng Department of Transportation (DOTr) ang proyekto.

Kahapon ay tinala­kay ng House committee on Metro Manila development kung ano na ang update sa nasabing proyekto.
Ayon kay DOTr Asec. Arturo Fabillar, “subject to further studies” at hindi naman makapagbigay ng eksaktong rason sa likod ng pagtabla sa naturang proyekto na binanggit lamang nito na may pag-aaral na isinagawa at internal evaluation na na­ging basehan ng desisyon.

Bunsod nito ay naglabas ng himutok ang chairman ng komite na si Quezon City Rep. Winston Castelo sa naging diskarte ng DOTr.

“You’re asking the public to suffer for the reason we don’t know… you have requested funding from Congress, only to reverse your decision after so many years,” ani Castelo.

Iminungkahi naman ni Marikina City Rep. Ba­yani Fernando na ipasa sa MMDA ang proyekto na agad namang sinuporta­han ni Castelo.

Inusisa rin ni Castelo si Department of Finance (DOF) Asec. Maria Edita Tan kung maisasalin ang P37.76 bilyong pondo ng BRT EDSA line gayundin ang P5.47 bilyong BRT España-Quezon Avenue line mula sa DOTr patungo sa MMDA.
Ipinaliwanag ni Tan na maraming papeles ang aasikasuhin at kinakaila­ngan din aniya ang pag-apruba ng National Economic and Development Authority Investment Coordination Committee.