Abante Tonite Interactive

Bryan Sy ayaw pakawalan ng NBI kahit may court order

261

By Juliet de Loza-Cudia

Nagpalabas kahapon ng release order ang Manila Metropolitan Trial Court Branch 6 para sa pagpapalaya sa may-ari ng WellMed Dialysis Center na si Dr. Bryan Sy na isinangkot sa ‘ghost dialysis’ claim sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa mga pasyente kahit patay na.

Sinabi ni Atty. Rowell Ilagan, legal counsel ng WellMed legal, naglagak si Sy ng piyansa na P72,000 para sa kasong estafa dahil sa pamemeke ng mga opisyal na dokumento.

Gayunman sa kabila ng release order, sinabi ni Ilagan na nananatili si Sy sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at hinihintay ngayon ang pagpapalaya sa kanya.

“He posted a cash bail bond in the amount of P72,000. Despite the release order issued by the court, the NBI refused to release Bryan Sy,” ayon kay Ilagan.

Sinabi naman ni Manila Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 6 Judge Jerome Jimenez, na kahit na wala pang naisasampang kaso laban kay Sy, pinapayagan sa batas na makapagpiyansa ito.

Magugunita na si Sy at inaresto noong Lunes sa kasagsagan ng imbestigasyon ng NBI kaugnay ng anomalya sa WellMed.

Sa imbestigasyon, nakakuha umano ang nasabing clinic ng P800,000 sa PhilHealth sa pamamagitan ng mga ghost claim mula taong 2016 hanggang 2018.