Abante Tonite Interactive

BuCor chief bibigyan ng seguridad ni Guevarra

407

Pagkakalooban ng seguridad ng Department of Justice (DOJ) si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gelard Bantag at iba pang opis­yal ng ahensya na maaa­ring may banta sa buhay dahil sa patuloy na pag­lilinis sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) laban sa katiwalian.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, wala pa namang impormasyon na ipinararating si Bantag sa kanyang tanggapan na nagsasabing may banta sa kanyang buhay.

Gayunman, sinabi ng kalihim na handa siyang kunin ang atensyon ng Natio­nal Bureau of Investigation at Department of the Interior and Local Government sa sandaling totoo ang banta sa buhay ni Bantag at ng iba pang opis­yal ng BuCor dahil sa kanilang kampanya na malinis ang NBP sa mga iligal.

Una nang lumutang ang balitang kasama umano si Bantag at PLTGEN Guillermo Eleazar sa hit list ng mga drug cartel sa bansa matapos na magdeklara ang mga ito ng giyera kontra sa mga big-time drug lord at cartel kasabay ng pag-upo ni Bantag bilang BuCor chief.

Sa ginanap na se­remonya kung saan ginawaran ng promotion si Eleazar, sinabi nito na hindi malayong nasa hit list sila ng drug cartel.

Gayunman, sinabi nito na wala namang direktang banta sa kanila ni Bantag pero maaaring naapek­tuhan anya ang operas­yon ng mga drug lord nang magsagawa sila ng malawakang paglilinis sa loob ng NBP. (Juliet de Loza-Cudia)