Abante Tonite
Mabilis sa Balita

BuCor nireklamo sa binarang kalye ng pabahay

0 451

Iligal umano ang ginawang pagtatayo ng konkretong pader ng Bureau of Corrections (BuCor) para hindi madaanan ang isang kalsada sa Muntinlupa City.

Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, nakakaalarma rin na basta na lamang nagtayo ng bakod ang BuCor nang hindi kinokonsulta ang mga taong maaapektuhan ng ginawa ng ahensya.

“That wall is illegal and is a nuisance as defined by Article 694 of the Civil Code as it obstructs and interferes with the free passage of a public highway or street,” ani Biazon na pumunta sa Insular Prison Road noong Sabado para inspeksyonin ang pinatayong pader ng BuCor.

Ang Insular Prison Road sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation ay daanan ng mga taga-Southville 3, isang socialized housing project ng National Housing Authority (NHA), papunta sa Poblacion proper at city proper ng Muntinlupa kung saan matatagpuan ang mga paaralan.

Maituturing din umanong pagsabotahe ito sa isang national project.

Dahil sa ginawa ng BuCor, ang mga magulang na kukuha ng module sa mga eskuwelahan ay kailangang umikot pa sa Las Piñas o Bacoor, Cavite, para makarating sa Poblacion at city proper. Mangangahulugan din na mas mahal ang kanilang gagastusin sa pamasahe.

Nangangamba rin si Biazon na nakompromiso ng pader ang kaligtasan, seguridad at kalusugan ng mga taga-Southville 3 dahil hinarang ng BuCor ang pinakamadaling daanan papasok sa naturang lugar at mas mabilis para sa mga pulis, fire at emergency service.

Suportado ni Biazon ang hakbang ng city government ng Muntinlupa na ipatanggal ang pader. (Billy Belgas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.