Abante Tonite Interactive

Budget officer ng NE itinanggi ang relasyon

By
307

Mariing pinabulaanan ng municipal budget officer ng Sto. Domingo, Nueva Ecija ang alegasyon na siya ay sangkot sa pakiki­pagrelasyon sa isang halal na opisyal ng naturang bayan.

Sa panayam kahapon ng Abante, sinabi ni Municipal Budget Officer Carolina Santos, pawang mga espekulasyon lamang ang akusasyon na dinidinig sa munisipyo.

Kasama ni Santos si Municipal Agriculturist Emelita Flores na nahaharap sa kasong ‘imora­lidad’ at sentro ngayon ng imbestigasyon na isinulong ni acting Mayor Greg Andres.

Sa public hearing noong Miyerkoles, ang imbestigasyon ay batay umano sa nasasaad sa Konstitusyon, sections 86, 87, 88 ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, ayon kay Mayor Andres.

Nahaharap sa reklamo si Santos, may-asawa, dahil umano sa alegasyong matagal na nitong pakikipagrelasyon sa isang miyembro ng sangguniang bayan na si Poly Catacutan na isa ring may-asawa.

“Isang public know­ledge at kahit noong vice mayor pa lang ako ay nakita kong madalas magkasama sa panang­halian sina Catacutan at Santos,” ani Andres.

Si Flores, 46-anyos ay naaktuhan naman umano ni janitress Erlinda Matic noong Peb. 27, 2018 na gumagawa ng kahalayan sa loob ng restroom sa ground floor ng munisipyo.

Tinanggal umano si Matic sa trabaho dahil sa pangyayari subalit nakabalik nang manungkulan si Andres.

“Masakit man gawin pero ito ay trabaho bilang chief executive na madisiplina ang mga tauhan ng munisipyo,” ani Andres.

Bumuo si Andres ng 7 kataong investigating body na nagbotohan kung may prima facie evidence upang ituloy ang imbestigasyon kung saan 5 ang bumoto ng ‘yes’ at 2 ang nag-abstain.