Abante Tonite Interactive

Bugbugan sa PNPA graduation iimbestigahan

625

Iniimbestigahan ng Philippine National Police ­Aca­demy (PNPA) ang ginawang pambubugbog umano sa 6 na bagong graduate ng PNPA ng mga ‘underclassmen’ pagkatapos ng ginanap na graduation noong nakaraang Miyerkoles sa Silang, Cavite.

Ayon kay Chief Supt. Joseph Adnol, director ng PNPA, nangyari ang pambubugbog bandang alas-kuwatro hanggang alas-singko ng hapon habang papunta sa barracks ang mga bagong nagtapos na ‘upperclassmen’.

Tinaymingan umano ng mga suspek na ‘underclassmen’ na humiwalay ang grupo papunta malapit sa barracks.

Gamit ang mga arnis stick at bato, pinagpapalo, pinagsusuntok at binato nila ang kanilang mga senior na bagong graduate na nagtamo ng mga sugat sa ulo at mabilis na isinugod sa PNP Dispensary.

Ayon sa PNPA director, malaki ang posibilidad na gumanti ang mga ‘undergrad’ sa kanilang mga senior officer na nagpahirap sa kanila.

Nasa 41 ‘cadets of interest’ umano ang iniimbestigahan sa insidente.