Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bugbugang Nonito, Casimero niluluto

0 108

Niluluto na ang umiigting na salpukan sa pagitan ng kapwa Pilipinong kampeon na sina John Riel Casimero at Nonito Donaire Jr.

Ito ang inihayag ni MP (Manny Pacquiao) Promotions president Sean Gibbons kung saan idinagdag nito na magiging abala ang tatlong iba pang Pilipinong kampeon sa mga huling buwan ng taon sa pagsagupa sa Amerika.

Una na dito ang pinaplanong salpukang Casimero at Donaire bago ang pagtataya nina Jerwin Ancajas at Reymart Gaballo ng kanilang mga korona.

Sasagupa muli si Jonas Sultan pati na rin ang magbabalik bilang propesyunal na Olympic bronze medalist na si Eumir Marcial.

“Discussions are moving forward for Donaire-Casimero,” sabi ni Gibbons. “And the decision may be known by the end of the week.”

Si Donaire, na four-division world champion, at Casimero ay dapat na magkakasagupa noong Agosto 14 subalit hindi itinuloy ni Donaire ang laban dahil hindi inirespeto ni Casimero ang kanyang asawa at hindi din tinupad ang kahilingan nito para sa VADA (Voluntary Anti-Doping Association) testing.

Dahil dito ay muling ibinalik ang orihinal na sasagupa na si Guillermo Rigondeaux kapalit ni Donaire, na kasalukuyan na World Boxing Council champion.

Tinalo naman ni Casimero si Rigondeaux sa pamamagitan ng split decision para mapanatili nito ang kanyang World Boxing Association crown at hamunin sina Donaire at Naoya Inoue para sa unification bout. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.