Abante Tonite Interactive

Buhay at ari-arian

By
30

Maagap ang naging direktiba ni Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte na mandatory pre-emptive evacuation sa mga kababayan dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Nina’.

Kahit maaraw pa sa lalawigan at hindi pa gaaanong nararamdaman ang epekto ng bagyong ikinukunsidera ng international agencies na super typhoon ay pinalikas na ang mga residente lalo na ang mga nakatira sa flashflood at landslide prone areas.

Inalerto na rin ng pamahalaang panlalawigan ang mga residente na nakatira sa mga bayan sa Camarines Sur sa posibilidad nang pagbabaha at pagguho ng lupa.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ay nanigurong may sapat na relief goods na maipagkakaloob sa mga posibleng masalanta ng bagyong Nina.

Nakatutok ayon sa punong tanggapan ng DSWD ang DSWD-Bicol sa pamamahagi ng relief goods.

Sa kasalukuyan ay mayroon 22 evacuation centers na itinalaga sa mga lugar na daraanan ng bagyo para paglikasan ng ating mga apektado.

Inaasahan na natin ang bagyong ito bago pa mag-Pasko kaya walang dahilan para hindi maging handa ang lahat ng maapektuhan at maging ang pamahalaan.

Kaya ang panawagan natin sa mga kababayan diyan sa Bicol region na apektado ng bagyo ay makinig at tumalima sa abiso ng mga kinauukulan upang masiguro ang inyong kaligtasan.

Dahil sa maagap na paghahandang ipinamalas ng local government unit at ng national government ay maiwasan sana ang mas matinding pinsalang idudulot sa ating mga kababayang apektado ng bagyong Nina.

Kaya anuman ang abiso ng LGUs at national government ay dapat tumalima ang ating mga kababayang apektado ng bagyong Nina dahil kaligtasan nyo ang kanilang prayoridad sa ganitong sitwasyon.

Dapat ay wala nang pasaway na mga kababayan natin mula sa mga lugar na apektado ng bagyo upang maging madali rin LGUs at sa national government ang pagliligtas sa mga apektadong kababayan.

Hangga’t may mga pasaway kasing residente ay lalong nagiging mahirap para sa mga awtoridad ang pagliligtas sa buhay ng mga kababayan nating apektado ng bagyo.

Maging leksyon na sana sa lahat ng ating mga kababayang apektado ng bagyong Nina ang mga nagdaang bagyo kung saan ay lumawak ang pinsala dahil sa pagiging pasaway ng ilan na nagpipilit na manatili sa kanilang mga tirahan kahit delikado na bunsod ng pagbibigay prayoridad sa kanilang mga ari-arian.

Kaya ang aming panawagan, bigyang prayoridad sa ganito kadelikadong sitwasyon ang buhay ng bawat isa at hindi ang ating mga ari-arian. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

***

(Twitter: follow@dspyrey)