Abante Tonite Interactive

Buhay, ibinuwis sa kalahating buwang sahod

Part 2

By
223

Hindi rin mapigilan ni Gng. Carolyn ang malungkot at maluha kapag sumasagi sa kanyang­ ala-ala ang masaklap na pagkamatay ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki at panga­lawa sa panganay matapos tangkaing habulin ang dalawang holdaper na nambiktima sa kanya at sa iba pang pasahero ng sinakyang niyang FX taxi na nagresulta sa maaga niyang pagkasawi.

Ayon kay Gng. Carolyn, mabait at matulu­ngin sa kapatid at magulang si Ferrarie at wala anumang bisyo kundi ang paglalaro ng personal play station sa mga patay na oras o habang nakasakay na sa pampublikong sasakyan pauwi at papasok ng trabaho.

Bilang isang nurse sa Ospital ng Makati, sumasahod si Ferrarie ng P12,000 kada buwan na naipagkakaloob sa kanya ang tig-kalahati tuwing kinsenas at katapusan, bawas ang ibinabayad niyang kontribusyon sa mga benepisyong kanyang makukuha pagdating ng tamang panahon.
Araw-araw ay sumasakay sa pampasaherong FX taxi si Ferrarie mula sa kanilang tirahan sa Brgy. Tatalon sa Quezon City patungo sa kanyang trabaho bilang registered nurse sa Ospital ng Makati.

Hindi pa nalilimutan ni Gng. Carolyn ang la­ging inihahabilin sa kanya ng kanyang anak na lagi siyang mag-iingat sa pagsakay sa mga pampasaherong jeep lalo na’t may ilang mga pasa­way na tsuper na hindi pa tuluyang nakakaupo ang bagong sakay na pasahero ay pinasisibad na ang sasakyan na nagiging dahilan ng pakadisgrasya ng sumasakay.

Hindi akalain ni Gng. Carolyn na mauuna pa ang pinakamamahal niyang anak sa hukay matapos mabiktima ng mga holdaper sa sinasakyang pampublikong sasakyan.

Oktubre 22 ng taong 2009 nang maganap ang malagim na insidente na nagresulta sa pagkasawi ni Ferrarie makaraang habulin niya ang dalawang holdaper na nambiktima sa kanya at sa iba pang pasahero ng sinakyang niyang FX taxi sa kahabaan ng España Boulevard sa Sampaloc, Manila dakong alas-singko nang hapon.

Papasok pa lamang noon sa kanyang trabaho si Ferrarie, suot ang kanyang uniporme bilang nurse, nang sumakay sa isang pampasaherong FX taxi sa Quezon Avenue na may biyaheng Quiapo, Manila via España Boulevard.

Kasabay ni Ferrarie sa loob ng FX taxi ang iba pang mga pasahero, kabilang na si Diana David na noon ay pauwi naman sa kanilang tirahan sa Sampaloc, Manila mula sa pinagtatrabahuhan niyang kompanya sa Quezon city.

Habang nasa loob ng FX taxi, nililibang ni Ferrarie ang kanyang sarili sa kinaugaliang pag­lalaro ng personal play station lalo na’t hindi biro ang daranasin nilang matinding daloy ng trapiko sa mga ganung oras kung saan kasabay ang labasan ng mga estudyante sa mga paaralan at unibersidad na kanilang daraanan, pati na rin ang uwian ng mga nagtatrabaho.

Pagsapit ng sinasakyan nilang FX taxi sa España Boulevard malapit sa kanto ng Maceda Street sa Sampaloc, Manila, dalawang lalaki na kapuwa nagpanggap na mga pasahero ang nag-anunsiyo ng holdap na labis na ikinasindak ng mga pasahero.