Abante Tonite Interactive

Buhay, ibinuwis sa kalahating buwang sahod

Part 6

By
100

Walang piyansang inirekomenda ang tagausig laban sa dalawa at dahil matibay ang mga ebidensiya at testimonya ng mga testigo na nakasaksi sa pangyayari, kabilang ang salaysay ni Diana na kasama sa mga nabiktima ng dalawang akusado nang isagawa ang panghoholdap, isinampa ang kaso sa Manila Regional Trial Court (RTC)
Kaagad namang nai-raffle ang kaso laban kina Buenamer at Lambada at bumagsak and usapin sa sala ni Manila RTC Judge Reynaldo Ros ng Branch 33.

Nang basahan ng sakdal ng mababang hukuman ang dalawang akusado noong Disyembre 17, 2009, kasama ang kanilang mga abogado, kapuwa naghain ng “not guilty” plea ang mga ito kaya’t isinagawa kaagad ang pre-trial conference bago ang pagpapatuloy ng paglilitis.

Nang magsimulang umusad ang paglilitis, hindi nagpatinag si Diana at ang mga traffic enforcers na tumayo bilang testigo at pinangatawanan ang kanilang mga salaysay lalo na’t personal nilang nasaksihan ang mga pangyayari.

Tinapos ng hukuman ang paglilitis sa pamamagitan ng kautusan na magsumite ng kani-kanilang memoranda ang tagausig at ang depensa bago ibaba ang kaukulang hatol laban kina Buenamer at Lambada.

Noong Mayo 18, 2010, ibinaba ni Judge Reynaldo Ros ang hatol na guilty laban kay Buenamer sa kasong Robbery with Homicide sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code at pinatawan si Buenamer ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo habang si Lambada na napatunayan ding nagkasala sa kasong Robbery with violence ay pinatawan naman ng mula dalawa hanggang anim na taong pagkabilanggo.

Bukod sa naturang kaparusahan, inatasan din ng mababang hukuman ang mga akusado na bayaran ang P5,460 na nakalagay sa pay envelope at ang halaga ng cellular phone at personal play station na kanilang kinulimbat kay Ferrarie.

Si Buenamer ay inatasan namang magbayad ng kabuuang P50,000 bilang civil indemnity at P50,000 bilang moral damages.

Hindi naman ikinalugod ni Buenamer ang naging hatol sa kanya ng mababang hukuman kaya’t kaagad na inapela ng akusado ang naging hatol ni Judge Ros sa Court of Appeals (CA) sa paniwalang mababaligtad ang ipinataw sa kanyang kaparusahan.

Sa kanyang paghahain ng apela sa CA, iginiit ni Buenamer na hindi naman napatunayan ng tagausig na nagkasala siya ng walang kaduda-duda sa kasong Robbery with Homicide lalo na’t nabigo aniyang mapatunayan na siya mismo ang may kagagawan sa krimen.

Sinabi pa ni Buenamer sa kanyang apela na hindi aniya binigyang-pansin ng hukuman ang mga pangyayaring magpapagaan sa usapin sa ilalim ng Article 13 ng Kodigo Penal na dapat ay sinuring mabuti lalo na’t wala naman siyang hangarin na patayin si Ferrarie nang kanyang suntukin ang biktima habang nakasabit sa pampasaherong jeep.

Noong Hunyo 7, 2012, naglabas ng desisyon ang CA at sinabing walang merito ang inihaing apela ng kampo ng akusado kaugnay sa pagka­bigo umano ng tagausig na mapatatag ang pagkakakilanlan kay Buenamer.